Depression
Dear Dr. Love,
Bumabagabag sa’kin ngayon ay ang kalagayan ng aking anak na dalaga. Iniwan siya ng boyfriend niya, kaya hayun madalas walang imik. May oras naman na nakikita kong humihikbi sa kakaiyak.
Halos hindi niya ginagalaw ang dinadalang pagkain sa kanyang kuwarto. Ayaw niya kasing lumabas ng kanyang silid kaya maya’t maya kung pinupuntahan para i-check siya.
Gusto ko siyang patingnan na sa doktor baka makasama na sa kanya ang nararanasang depression. Pero hindi ko alam kung paano ko siyang makukumbinsi.
Ayaw ko sanang isipin, pero lumalaki ang takot ko na baka kung ano na lang ang gawin ng aking anak. Madalas pa naman, kami lang ang naiiwan sa bahay. Dahil nasa abroad ang aking asawa habang ang dalawa kong anak ay pawang may kani-kaniya nang pamilya.
Pagpayuhan po ninyo ako kung paano ang tamang paraan ng pakikipag-usap sa aking anak.
Maraming salamat po sa pagbibigay atensiyon ninyo sa liham ko.
Dely
Dear Dely,
Sa palagay ko, tama ang hangarin mo na mapatingnan sa doktor ang iyong anak. At sa magawa ito sa lalong madaling panahon. Maaaring makatulong ang iyong mga anak na lalaki para kausapin siya at kumbinsihin. Pwede rin naman na isang malapit na kaibigan ng iyong anak ang lapitan mo at pakiusapang kausapin siya, at kumbinsihing magpa-doktor para bumuti ang kanyang pakiramdam.
Sa tuwina ay lagi mong ipagdasal ang iyong anak at sikapin na regular siyang ma-monitor para matiyak na hindi mangyayari ang iyong pangamba. Kung magkaroon kayo ng pagkakataon, mamasyal kayo bilang pamilya. Magandang hakbang ito para maibaling niya ang kanyang atensiyon sa iba. Busugin mo siya sa atensiyon at pagmamahal. Maganda rin na lagi mo siyang kukwentuhan ng mga magagandang bagay.
Naniniwala ako kung hindi kayo susuko na kanyang pamil-ya, na pangunahing support system niya, malalampasan ng anak mo ang depression.
Dr. Love
- Latest