Hindi tanggap ang mga anak sa ‘labas’
Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang ninyo akong Migz, na may tatlong naging asawa.
Una, noong ako ay college pa lang. Dahil sa kapusukan, nakabuntis ako. Pero pinaghiwalay rin kami ng kanyang magulang. May communication pa rin naman ako sa kanya at sa anak namin. Kaso ayaw niyang ipakilala sa akin ang aming naging anak.
Ang pangalawa naman ay inakala kong siya na. Dahil nagtagal din ang aming pagsasama. Pero hindi, eh. May anak din kami.
Hanggang nakilala ko ang pangatlo, tatlo ang anak namin. Ang bunso ay nasa senior high na.
Pangarap ko sana na magkasama-sama ang aking mga anak, pero hindi tanggap ng misis ko ngayon ang mga anak ko sa ibang babae.
Kaya mukhang hanggang sa pangarap na lang ito, dahil hindi ko naman gusto na sumama ang loob ng aking kasalukuyang asawa.
Migz
Dear Migz,
Humahanga ako sa disposisyon mo na mapa-ngalagaan ang damdamin ng iyong misis ngayon, na sana siya na ang huli.
Pero maaari mong subukan na lambingin siya at baka sakaling mahilot at matamo niya ang panatag na kalooban para mapagbigyan ka sa iyong pangarap.
Naniniwala ako na kung mapapatunayan mo sa pagkakataon ito ang katapatan sa iyong salita, makukumbinsi mo ang iyong asawa.
Hangad ko ang pagkakabuklod ng iyong pamilya.
DR. LOVE
- Latest