Hindi pala itinadhana
Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Joanna, 25 anyos. Mula elementary ay best friend ko na si Nick. Siya lang ang gusto kong kalaro noon at wala ng iba pa.
Akala nga nila, ako ay tibo dahil lalaki ang gusto kong kalaro.
Nang tumuntong kami sa high school ay lalo kaming naging close ni Nick. Naghihingahan kami ng problema sa isa’t isa.
Hindi pa kami graduate ng high school ay niligawan na ako ni Nick at naging kami.
Magkasabay kaming nangangarap. Kukuha ako ng nursing at siya ay magdudoktor. Pero nang pagsapit namin ng third year, nakipag-break sa akin si Nick.
Nagkatagpo kasi siya ng babaeng mas mahal niya. Nasaktan ako siyempre pero inunawa ko siya. Masyado akong nasaktan pero sinikap kong mag-move on. I tried to keep our friendship na nagsimula sapul pa ng mga musmos kami.
Pero sa totoo lang, labis ang aking pagdaramdam lalo na sa tuwing magkasama sila ng kanyang girlfriend.
Ano ang gagawin ko?
Joanna
Dear Joanna,
Tama ang ginawa mo na kahit mabigat sa iyong dibdib, pinanatili mo ang friendship ninyo ng iyong matalik na kaibigan.
Ganyan talaga ang buhay kung minsan, walang katiyakan. May mga bagay na inaakala mong sa iyo na ay nawawala pa sa bandang huli.
Naniniwala ako na sa sandaling makatagpo ka ng ibang mamahalin, maghihilom din ang sugat sa puso mo.
Kaya tama ang pasya mong mag-move on. Hindi dapat tumigil sa pag-ikot ang daigdig dahil lamang sa isang masaklap na insidente.
Dr. Love
- Latest