Sino ang ama?
Dear Dr. Love,
Nakakahiya ang istorya ko kaya itago mo na lang ako sa pseudonym na Wildflower. Mayroon akong apat na boyfriend pero dalawa lang sa kanila ang siniseryoso ko. ‘Yung dalawa ay sa salita ko lang kasintahan.
Iyan na ang naging ugali ko sapul pa nang ako’y mag-high school. Ang prinsipyo ko kasi ay “collect and select the best”. Hindi sila magkakakilala at hindi nagkakaalaman.
By the process of elimination, apat na lang silang natira na pagpipilian ko. Sa dalawang lalaki ako nagseryoso at nakikipag-date, to the point na ibinibigay ko na sa kanila ang buo kong pagkababae.
Sa loob ng magkasunod na dalawang araw, nakipagtalik ako sa kanila. Hindi ko alam kung bakit ako nabuntis dahil umiinom naman ako ng contraceptives. Nagdalantao ako at hindi ko matiyak kung sino sa kanila ang ama ng dinadala ko sa sinapupunan.
Isang buwan na ang dinadala ko at naguguluhan ako ngayon. Ano ang gagawin ko?
Wildflower
Dear Wildflower,
Mahirap ang problema mo. Kung ipapaako mo ang sanggol na dinadala mo sa isa sa kanila, kargo de konsensya mo ‘yan, maliban na lamang kung tiyak mo na siya ang ama ng bata.
DNA test is out of the question dahil hindi mo pa naisisilang ang sanggol. Ang pinakamabuting solusyon ay maging honest ka sa dalawa mong boyfriend, although magiging costly ang consequence ng gagawin mong pagtatapat.
Pero iyan ang buhay. Dapat tanggapin natin ang bunga ng ano mang kamaliang ginawa natin dahil wala naman tayong ibang masisisi kundi ang ating sarili.
Mas malamang sa hindi, pareho silang magtatakwil sa iyo dahil bihira ang lalaking tatanggap sa babaeng nabuntis ng iba.
Kung mayroong magpapakamartir sa kanila, aba eh suwerte mo!
Namangka ka sa dalawang ilog kaya hindi mo batid ngayon kung saang dalampasigan ka maipapadpad.
Dr. Love
- Latest