Inindyan sa araw ng kasal
Dear Dr. Love,
Bumabati po ako sa inyo ng advanced Merry Christmas at sana ay sumainyo ang pagpapala ng Panginoon. Tawagin n’yo na lang akong Elsa, 27 anyos at muntik nang makapag-asawa five years ago kung hindi umatras sa huling oras ang kasintahan ko sa takdang araw ng aming kasal.
Hindi ko alam ang dahilan niya sa pag-atras. Malaking kahihiyan ang idinulot sa akin nang hindi niya pagsipot sa simbahan sa harap ng maraming invited guests. Mula noon ay kinatakutan ko na ang makipagligawan. Masyado akong na-trauma sa masakit na karanasan kong ‘yun.
Isang taon ang lumipas, nagbabalik sa akin ang boyfriend ko at humingi ng tawad.
Nalaman ko na third party ang dahilan kung bakit inilaglag niya ako sa huling sandali. Katuwiran niya, napikot daw siya. Tinakot daw siya ng mga magulang at kapatid ng pumikot sa kanya na papatayin siya at kanyang mga magulang kung hindi siya pakakasal sa babae.
Hindi ko matanggap ang katuwiran niya. Walang lalaking mapipikot kung hindi niya ginalaw ang babaeng pumikot sa kanya. Hindi ko siya pinatawad at sa halip, nasuklam ako sa kanya. Ngayon ay desidido na akong tumandang dalaga.
Sabi ng mga kapatid ko, subukan ko raw umibig muli dahil “it’s better to have loved and lost than never to have loved at all.” Ewan ko lang pero so far, wala pa akong nadaramang pag-ibig sa sino mang nanliligaw sa akin. Ano ang masasabi mo?
Elsa
Dear Elsa,
Kung iibig kang muli, iwaksi mo ang takot. Tama ang ginawa mong pag-reject sa nagbabalik mong kasintahan na nagsalawahan. Totoo ang sinabi mo na walang lalaking mapipikot nang walang dahilan.
Samantala, enjoy your single blessedness. Ang pagiging single ay isa ring grasya ng Diyos at hindi lahat ng tao ay taglay ang ganyang pagpapala.
Dr. Love
- Latest