Secret ni Mon
Dear Dr. Love
Ako po si Mon, 34 years old. Noong araw, nagkaroon ako ng kasintahan na naanakan ko. Pakakasalan ko na sana siya, pero nagbago ang isip niya dahil gusto niyang makapangasawa ng Amerikano para makapag-migrate sa USA.
May nireto na pala sa kanya ang kanyang kaibigan sa states, mabilis ang mga pangyayari. Sumama na siya sa Kano. Iniwan niya ang aming anak sa’kin na noon ay isang taon pa lang ang edad.
Five years na ang nakararaan, mayroon na akong bagong kasintahan. Inilihim ko sa kanya na may anak ako, na nasa pag-aaruga ng aking mga magulang.
Minsan nagkukuwentuhan kami, nasabi niya sa akin na ayaw niyang makapag-asawa ng may anak sa labas, dahil ayaw niyang may kakompitensya ang mga magiging anak niya. Nagulat ako sa sinabi niyang ‘yon. Mahal ko siya at ayaw kong mawala siya sa akin.
Ano ang gagawin ko?
Mon
Dear Mon,
Sa magkasintahan kailangang walang itinatagong lihim. Magtapat ka sa kanya habang maaga at ipaliwanag mo ang pangyayari at palagay ko ay mauunawaan ka niya kung titiyakin mong magiging pantay-pantay ang pagtrato mo sa inyong magiging supling. Siguro naman ay makukumbinsi mo rin siya na pakasalan ka.
Ngunit kung sakaling umayaw siya, harapin mo na lang at tanggapin ang magiging desisyon niya kahit masakit sa iyong kalooban.
Hindi naman magwawakas ang mundo kahit mangyari iyan.
Dr. Love
- Latest