Miss Confused
Dear Dr. Love,
Pakitago n’yo na lang ako sa monicker na Ms. Confused, 20-years old. Mayroon akong dalawang suitors na natitipuhan ko pareho.
Marami akong manliligaw pero dalawa silang namumukod. Ang isang manliligaw ko ay graduate ng architecture at ang isa naman ay nag-aaral ng law.
Matikas at pogi ‘yung arkitekto at may matatag na trabaho, pero ‘yung kumukuha ng law ay bright at impressed to the max ako. Kapwa sila thoughtful and loving.
Ayokong tumandang dalaga at gusto ko nang pumili ng seryosong kasintahan. Wala akong itulak-kabigin sa kanila dahil kapwa nila taglay ang kata-ngiang hanap ko sa lalaki na aking seseryosohin. Apat na buwan na silang nanliligaw at humingi na rin ako ng payo sa mga parents ko. Sabi nila, ako lang daw ang puwedeng magdesisyon dahil hindi raw sila maaaring manghimasok pagdating sa lalaking pipiliin ko.
Sa pakiramdam ko, kapwa ko sila mahal at kung ibabasura ko ang isa ay magiging masakit para sa akin. Ano po ang dapat kong gawin?
Ms. Confused
Dear Ms. Confused,
Talagang malilito ka kung totoong mahal mo silang dalawa. Unfortunately, isa lang ang puso mo. Sa ayaw mo at sa gusto, dapat kang pumili ng isa lang.
Walang puwedeng magdesisyon sa bagay na ‘yan kundi ikaw lang. Tama ang sinabi sa iyo ng iyong parents.
Kilalanin mong mabuti ang kanilang buong pagkatao. Magagawa mo iyan kung mananatili muna kayong magkakaibigan. I’m sure, mature naman sila pareho upang maunawaan ang bagay na iyan.
Sa katagalan ng iyong pagsusuri sa kanilang ugali at katangian, makakapagpasya ka ng wasto. Kung sino ang nakalalamang sa magandang katangian, ‘yun ang piliin mo. Ang pagsagot sa isang manliligaw ay bagay na hindi puwedeng apurahin dahil kinabukasan mo bilang babae ang nakataya.
Sa edad mong 20 anyos, malayo ka pa sa pagiging matandang dalaga. Kaya you can still take your time.
Dr. Love
- Latest