Huwag panghinaan ng loob, Laban lang!
Dear Dr. Love,
Elaine po ng Dumaguete. Ang problema ko walang trabaho ang mister ko. Almost 14 years din siya sa trabaho niya bilang assistant manager. Nagkabawasan ng tao, pati siya ay nadamay.
‘Yun ang kinagagalit sa akin ng parents ko. Kung bakit ayaw ko raw pagtrabahuhin ang mister ko. Simula nang mawalan siya ng trabaho, hindi na siya nakahanap ng iba. Kaya ako ang naghahanap ng paraan para may pang-gastos kami.
Siya sana ang gusto kong magsabi sa akin na kung ano ang dapat naming gawin, kaso parang pinanghinaan na siya ng loob. Tinutulungan ko siya sa pagtitinda ng mga pwede kong maitinda. Minsan mga pagkain, minsan naman mga damit.
Alam ko ang dinaranas niyang kalungkutan ngayon. Nadaragdagan pa ng mga patutsada ng parents ko. Gusto na rin naman sana naming bumukod pero wala pa kaming kakayahan, lalo lang kaming mahihirapan.
Nilulunok ko na lang ang pride namin at ako nalang ang kumakausap sa parents ko para hindi naman masyadong maapektuhan ang mister ko.
Ang ikinalulungkot ko lang, pati ang mga anak namin ay naaapektuhan. Minsan hindi na sila nakakapag-online class dahil mas inuuna ko ang aming kakainin kaysa ang mag-load ng data. Hangga’t maaari kung maipagkakasya ko ay pinipilit kong maka-online sila.
Mabuti nga hindi nalang kumikibo ang mister ko. Hindi niya pinapatulan ang parents ko. Hindi ko po alam kung paano ko maibabalik ang dati niyang sigla.
Elaine
Dear Elaine,
Hindi pa naman huli ang lahat.Mabuti at mayroon pa rin kayong pinagkakakitaan.Sa una, syempre medyo mahirap kaya tiis-tiis lang. Kailangan ka ng mister mo ngayon para maibalik ang dati niyang sigla.Pero huwag mong pwersahin. Unti-unti mong ipaliwanag sa kanya ang mga balak mo at kung ano ang naiisip niya para maka-focus kayo sa gusto mong negosyo. Unti-unti lang.
Ikaw na rin ang magpaliwanag sa iyong mga magulang na imbes na i-down nila kayo, baka naman pwede silang tumulong para makaahon kayo sa inyong kalagayan. Huwag kang susuko may awa ang Diyos.
DR. LOVE
- Latest