Away magkapatid
Dear Dr. Love,
Tawagin na lamang ninyo akong Boyet! Dalawa na lang kaming magkapatid, matagal na ring yumao ang aming mga magulang. Ang kakaiba sa amin, akong si lalaki ay may pusong babae habang ang kapatid kong babae ay may pusong lalaki.
Siya ang mas matanda sa akin. Nagsimula ang alitan namin nang ibenta niya ang kalahati ng bahay namin na sana’y parte ng aking mana. Wala naman kaming ibang kayaman kundi ang aming tirahan.
Mainam na mayroon kaming mga kaibigan at may hanapbuhay naman ako. Kahit walang hanapbuhay si ate, este si kuya, marunong naman siyang makisama. Mas marami pa siyang pera kaysa sa’kin.
Ang hindi ko matanggap, kung muramurahin niya ako at duraan sa aking mukha dahil nambabakla lang daw ako at imbes na tumulong sa kanya sa bahay ay minsan lang ako umuuwi.
Kaya tuluyan akong lumayas. Ang hindi ko alam, ‘yun na rin ang simula ng kanyang malubhang pagkakasakit. Diabetic siya dahil sa kakainom ng softdrinks kahit hindi pa nag-aalmusal.
Sa dalawang buwan kong pagkawala, sa malasakit ng mga kaibigan siya umasa.
Ngayong pagbalik ko, ang galit ko ay biglang napalitan ng awa.
Sarili ko lang ang inisip ko. Mas masakit ang mapabayaan ang mismong kamag-anak mo. ‘Yan ang narinig kong sigaw ng kanyang mga kaibigan.
Gusto ko sanang humingi ng tawad, kaso huli na ang lahat. Alam kong may mali siya. Pero hindi ko siya naunawaaan.
Boyet
Dear Boyet,
Kahit ano pa ang nangyari sa inyo, ka-patid mo pa rin siya. Malamang napatawad ka rin niya at alam niyang mali ang kanyang nagawa.
Maaaring may na-raramdaman na siya kaya idinadaan niya sa galit para hindi mo mapansin.
Patawarin mo na rin ang kapatid mo. Palayain mo na siya at ipanalangin ang kanyang kaluluwa.
Tulad ng iyong ibinahagi, nawa ang mga magkakapatid ay magtulungan sa buhay.
Huwag ninyong pagtalunan kung ano ang inyong mamanahin o makakamkam sa inyong mga magulang. Hindi mapapalitan ng anumang kayamanan ang pagmamahal na dapat nating ilaan lalo na sa ating kapamilya.
DR. LOVE
- Latest