Instant replay
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Iking, 35 anyos. Dati akong babaero at dahil diyan ay muntik na akong hiwalayan ng aking misis na si Lagring. Pero noong araw ‘yon.
Nagbago na ako nang ipanganak ni Lagring ang aming unang anak na lalaki. Ganun pala. Kapag nagkaanak na ay maglalahong parang bula ang ano mang masamang bisyo mo.
Mahal ko si Lagring at ang buo kong pamil-ya. Lima na ang anak namin ngayon. Nang mangako ako kay Lagring na magbabago, pinanindigan ko ito alang-alang sa aking pamilya.
Ang problema, hindi pa rin mawala ang pagkaselosa ni Lagring. May mga pagkakataon na nadedelay ako ng uwi mula sa trabaho. Aawayin na niya ako at muling inuungkat ang mga ginawa kong pambababae noon. Instant replay.
Sabi ko sa kanya, akala ko’y pinatawad na niya ako pero bakit inuungkat pa niya ang pangit na nakaraan.
Paano ko mapapatunayan sa kanya na nagbago na ako?
Iking
Dear Iking,
Marahil, napakalalim ng sugat na iniwan ng iyong nagdaang kataksilan sa kanya kung kaya hindi pa rin buo ang tiwala niya sa iyo. Pero tama ka, kung mahal ka niya, dapat ay may kalakip itong pagtitiwala sa iyo.
Pangaralan mo siya ng Salita ng Diyos upang mabatid niya na ang a Diyos ay buong-buo kung magbigay ng kapatawaran. Ang kasalanan natin ay binura na niyang ganap at hindi na inaalala ang mga pagkakamali natin na napatawad na niya.
Ipanalangin mo na mapawi na rin sa takdang araw ang kanyang wala sa lugar na pagseselos.
Dr. Love
- Latest