Dakilang pag-ibig
Dear Dr. Love,
Maligayang Pasko po sa inyo!
Merton na lang ang itawag mo sa akin, 35-anyos at nananatiling binata at walang girlfriend sapul nang mamatay ang kasintahan ko, 10 years ago dahil sa isang sakunang kasalanan ko. Kung hindi ko siya pinilit sumama sa outing bilang Christmas celebration ng kompanyang pinagtatrabahuhan ko, hindi sana siya nalunod sa beach.
Mahal na mahal ko si Nelda at halos ikamatay ko ang nangyari sa kanya at ang sinisisi ko ay ang aking sarili. Pinakatatago ko ang isang panyolitong may pangalan niya. Nang mangyari ‘yon, lumamig ang pakikitungo sa akin ng mga magulang at kapatid niya. Kahit wala silang sinasabi, alam kong ako ang sinisisi nila.
May mga pagkakataon noon na binalak kong magpatiwakal pero pinangunahan ako ng aking takot sa Diyos. Hindi ako maka-move on sa pangyayaring ito hanggang ngayon.
Bakit kailangang mangyari ito sa babaeng pinakamamahal ko, at ako pa ang naging dahilan? Ibig ko ring makapag-asawa at bumuo ng pamilya. Pero ramdam kong nakatanikala ako sa aking kahapon at hindi ako makahulagpos.
Ano po ang dapat kong gawin? Sana’y mapagpayuhan mo ako.
Merton
Dear Merton,
Ang nangyayaring sa iyo ay self-condemnation. Alam kong hindi ka magkakaganyan kung iba ang naging dahilan ng pagkamatay ng girlfriend mong si Nelda. Ngunit malinaw na aksidente ang dahilan ng kanyang pagpanaw kaya hindi mo dapat sisihin at kondenahin ang iyong sarili.
Maaari ring imahinasyon mo lang ang sinasabi mong panlalamig sa iyo ng mga kaanak ng girlfriend mo. Burahin mo sa iyong isip ang mali mong haka na ikaw ang dahilan ng pagkamatay ni Nelda. Sampung taon na ang lumipas kaya ang nangyari ay isa lamang madilim na bahagi ng iyong karanasan.
It’s time to open a new chapter, Merton. Move on! Hindi dapat mapigil ang pag-ikot ng daigdig dahil lang sa isang masaklap na karanasan.
Dr. Love
- Latest