‘Di nagreregalo tuwing Pasko
Dear Dr. Love,
Bumabati ako sa iyo ng isang mabiyaya at mapayapang Pasko. Tawagin mo na lang akong Cielito, 30-anyos na maybahay at may dalawang anak. Nagtataka lang ako sa ugali ng aking asawa na si Nick. Matagumpay na negosyante siya ng mga used car.
Pitong taon na kaming mag-asawa pero ni minsan hindi siya namimigay ng regalo kung Pasko. Wala ring mga inaanak na nagpupunta sa kanya sa mahalagang araw ng pagsilang ng ating Mesiyas.
Pero kung birthday ko o ng mga anak ko, laging mamahalin ang ibinibigay niyang regalo lalo na kung wedding anniversary namin. Dahil sa ganyang ugali niya ay tinanong ko siya kung bakit. Sagot niya hindi siya naniniwala sa Pasko.
Laki sa hirap ang mister ko, nagsumikap siya para bumuti ang kabuhayan. Sabi niya, noong 7-anyos pa lang siya, bisperas ng Pasko ng malunod ang kanyang nakakatandang kapatid dahil tinangay ng malakas na alon dulot ng bagyo.
Nang sumunod na taon, isang linggo bago sumapit ang Pasko, nasagasaan naman ang nanay niya na naglalako ng kakanin. ‘Yun daw ang dahilan kung bakit hindi siya naniniwala sa Pasko. Mabuti at hindi niya ako pinipigilan kapag naghahanda ako ng noche buwena.
Paano ko maibabalik ang tiwala ng mister ko sa Panginoon?
Cielito
Dear Cielito,
Nakalulungkot naman. Madalas, may mga nagaganap na trahedya sa ating buhay na mahirap ipaliwanag. Ngunit sinasabi ng Diyos sa Kanyang Salita na lahat ng bagay ay nagaganap na may mabuting layunin.
Ngayon, ang asawa mo ay matagumpay na negosyante at may maipagmamalaking pamilya.
Sikapin mong maipaliwanag sa kanya na napakaraming magagandang bagay ang dapat niyang ipagpasalamat sa Diyos. Sabihin mong lahat ng tao ay dumaranas ng mga mapapait na pagsubok para sa pagpapatatag sa ating karakter.
Dr. Love
- Latest