Piping Pag-ibig
Dear Dr. Love,
Isang mainit na pagpupugay sa inyo pati na sa iyong mga tagasubaybay at staff ng Pilipino Star NGAYON. Tawagin mo na lang akong Leandro, 23-anyos at binata pa.
May nakilala akong babae sa FaceBook na ubod ng ganda. Agad akong na-attract sa profile picture niya at sa iba pang larawan niya kaya nag-send ako ng friend request na kanya namang tinanggap.
Matagal din kaming magka-chat pero lagi siyang tumatanggi sa video call at hindi ko alam ang dahilan. Nagduda ako na baka hindi niya talaga picture ang ginagamit niya. Sa kapipilit ko, sinabi niya na mag-eyeball kami at doon ko malalaman ang dahilan.
Nagkita kami sa isang fastfood restaurant at may kasama siyang isang babae. Interpreter pala niya dahil isa siyang pipi. May depekto ang vocal cord niya kaya hindi makapagsalita pero nakakarinig siya. Hindi siya dating pipi.Nawala ang boses niya ng magkasakit siya nung siya ay sampung taong gulang.
Ang pangalan niya ay Mimi at isa siyang physical therapist. Maganda siya lalo sa personal at ramdam kong lalo akong attracted sa kanya. Masaya kaming naghiwalay matapos kumain at nagpatuloy ang aming ugnayan sa FB at kung minsan ay kumakain kami sa labas. Minsan, siya ang taya kapag kumakain kami sa labas. Nag-propose na ako sa kanya pero baka raw lokohin ko siya komo isa siyang pipi. Tatlong buwan ko na siyang nililigawan pero hindi ko masungkit ang kanyang yes.
Pagpayuhan mo ako, Dr. Love. Kahit ano pa ang sabihin ng tao ay siya ang babaeng gusto kong pakasalan.
Leandro
Dear Leandro,
Kung walang gusto sa iyo si Mimi, hindi na siya papayag na kumain kayo sa labas. Tingin ko’y may agam-agam siya dahil sa kanyang kapansanan at ‘di mo siya masisisi.
Paano mo siya makukumbinsi? Imbitahan mo siya sa inyong bahay at ipakilala sa iyong mga magulang. Sa gayung paraan ay madarama niya na totoo ang inihahandog mong pag-ibig sa kanya.
Malamang ay sinusubukan ka lang niya kung hanggang saan mo ipaglalaban ang pag-ibig mo sa kanya. Siyanga pala, sa ngayon ay may nabibili ng gadget na kapag itinapat sa lalamunan ay nakakapagprodyus ng tunog at nakakapagsalita ang taong nagkaroon ng depekto sa vocal chord. Siguro makatutulong ito kay Mimi.
Dr. Love
- Latest