Manok na puti ang ipaalaga kay Mister
Dear Dr. Love,
Alam ko po na marami nang sumulat sa inyo tungkol sa sugal. Naawa lang kasi ako sa mga anak ko. Ang mister ko po ay mahilig sa sugal lalo na sa sabong. Tamang tama sa kanya ang usong kanta ngayon sa fb. ‘Yung manok na pula. Sabi ko sa kanya puting manok ang alagaan niya dahil nangingitlog at maibebenta pa namin.
Nakakalungkot din isipin na mas may panahon siya sa manok kaysa sa mga anak niya o maging sa akin.Pero sabi niya huwag daw akong masyadong magreklamo dahil nakikinabang naman daw kami kapag nananalo siya. Pero minsanan lang ‘yun. Mas marami pa ang talo niya kaysa sa panalo.
Wala naman kaming pinagkukunan ng pera bukod sa kinikita niya sa pa-sideline sideline na pagpipinta ng kotse. Minsan natutulungan ko siya sa pagbebenta ng pabango.
Ang masama pa, kung talo sa sabong nag-iinom siya ng alak at nang-aaway, kundi sa labas ng bahay ako ang inaaway niya.
Hindi ko inakalang ganito ang kahihinatnan ng buhay ko. Gusto ko na sana siyang hiwalayan pero kawawa naman ang mga anak namin. Maliliit pa. Isang limang taon at isang tatlong taon. Paano na kaya? Baka sa pagdating ng panahon lalo lang akong makunsume.
Maraming salamat po.
Delia
Dear Delia,
Hindi ka nag-iisa sa iyong kalbaryo. May mga asawa na tulad mong nagtitiis sa mga mister na lagok at lugmok sa manok. Mas pinipili pa ang bisyo kaysa ang bigyan ng panahon ang pamilya. Nagbabakasakali hanggang matalo na sa bisyo.
Ipagdasal mo na maliwanagan ang kanyang pag-iisip. At huwag kang bibitiw para sa mga anak ninyo. Alam ng Diyos ang nararanasan mo. Kumbinsihin mo pa rin siya na isama sa inaalagaan ang pag-aalaga ng manok na puti baka sakaling mabaling ang atensyon niya sa mga itlog. Hindi naman sagot ang hiwalayan, para siya ay matuto. Kaya sana huwag humantong doon.
Dr. Love
- Latest