Nawili sa online shopping
Dear Dr. Love,
Ayokong maniwala na ginagamit lang ako ng bf ko kahit pa pabili siya ng pabili sa on line. Lagi niyang ginagamit ang credit account ko.
Kapag nakakita siya ng bagong sapatos, damit, kahit nga anong magustuhan niya.
Hindi pa naman kami kasal at hindi pa naman kami nagpaplanong magpakasal. Eh, ngayon palang nakikita ko na mamumulubi kaming dalawa sa kakagastos niya.
Alam niyang hindi ako tatanggi sa mga request niya.
Noong mga una, ok lang ang akala ko na minsan lang niya gagamitin ang card ko. Pero napansin ko lang na na panay-panay na ang online shopping niya.
Kinausap ko na rin siya tungkol dito. Actually nagagalit ang mother ko sa pangungunsinte ko sa kanya.
Parang ako pa ang sinisi niya kasi mumurahing items lang naman daw ang binibili niya. Sapatos mura nga, kaso 1K pa rin ang presyo. ‘Yung binili niya ay hindi pa kasya sa kanya. Sayang lang ang binili niya.
Mahal ko siya. Minsan naiisip ko na pera lang ‘yun. Kaso kailangan din naming mag-ipon para kung magkatuluyan kami ay may pagkukunan kami ng budget. Nagiging sanhi tuloy ng ayaw namin ang ginagawa niya.
Belynda
Dear Belynda,
Tama ka naman dapat lang masabihan hangga’t maaga ang bf mo. Hindi nga dapat na ginagamit niya ang credit card mo dahil personal mo ‘yun.
Ingat lang din. Tanungin mo siya kung talagang mahal ka niya. Kasi kung hindi, ikaw din ang mapapahamak. Kilalang kilala mo ba ang bf mo?
Hindi naman sa nagdududa ako sa kanya. Pero off limits dapat tayo sa mga personal nating concerns. Lalo na kung money matters. Kahit nga sa mag-asawa hindi rin uubra ang ganyan. Pag-usapan ninyo ‘yan ng mabuti.
DR. LOVE
- Latest