Pakakasal sa GRO ang ama
Dear Dr. Love,
Ako po si Darwin, isang US citizen na naninirahan sa San Francisco, California.
Dala ng isang biglaang pangyayari ay umuwi ako sa Pilipinas. Ang dahilan, nalaman ko na nakipagtanan ang aking ama sa babaeng kinahuhumalingan niya.
Patay na ang aming ina at nauunawaan ko naman ang pangangailangan sa pag-ibig at kalinga ng father ko. Nauunawaan naming magkakapatid na nangungulila si daddy mula nang pumanaw ang aming ina.
Kaso, hindi maganda ang reputasyon ng babaeng itinanan niya at ngayo’y ibig pakasalan. Isa itong GRO sa isang night club na nakilala niya. Hindi lang iyan, may isang anak ang GRO sa ibang lalaki. Ano ang maipapayo ninyo sa kasong ito?
Darwin
Dear Darwin,
Hindi n’yo puwedeng saklawan at kontrolin ang damdamin ng inyong ama. Unang-una, siya ang tatay ninyo at may sarili siyang pag-iisip at karapatan sa ano mang bagay na gagawin niya.
Kung ibig niyang pakasalan ang babaeng itinanan niya, karapatan niya ‘yun na hindi n’yo puwedeng hadlangan. Isa pa, anong malay ninyo at kahit pa siya ay GRO, baka ang inyong ama ang maging dahilan ng kanyang pagbabago?
Kaya hayaan lang ninyo siya. Ang importante, pakakasalan niya ang babaeng kanyang kinakasama at hindi lang sila magli-live in na isang bagay na labag sa batas ng Diyos.
Dr. Love
- Latest