Hinahanap ang misis
Dear Dr. Love,
Ako po ay bumabati sa inyo ng isang pinagpalang araw at nawa’y datnan kayo ng sulat ko na nasa mabuting kalagayan.
Joe na lang ang itawag ninyo sa akin, 51-anyos at hiwalay sa asawa. Wala kaming pormal na annulment pero hindi na siya umuwi simula nang magtungo sa Japan para magtrabaho.
Matanda ako ng 15-years sa misis ko at may 5 taon lang kaming nagsama nang umalis siya. Maganda ang intensiyon niya na kami ay makapagtatag ng magandang kinabukasan para sa aming nag-iisang anak. Sa unang tatlong taon ay sumusulat siya sa akin at nagtatawagan kami sa telepono.
Pero sa ika-apat na taon ay nawala na ang aming ugnayan. Nabalitaan ko mula sa isang kakilala na umuwi galing sa Japan na may kinakasama nang Hapones ang asawa ko. Nasaktan ako pero ano ang magagawa ko? Patuloy kong itinataguyod ang anak naming babae na 15-anyos na bilang single parent.
May girlfriend ako ngayon at gusto ko sana na mapawalang bisa ang kasal namin. Pero hindi ko siya matunton. Nag-search na ako sa social media at hindi ko siya mahanap. May 10 siyang kapangalan pero iba naman ang mukha.
Ano ang gagawin ko?
Joe
Dear Joe,
Maaari ka sigurong magpatulong sa Japan embassy pero hindi ko rin batid kung paano ang proseso. Posibleng makatulong ang embahada sa pagtunton sa kinaroroonan ng iyong misis kung alam mo ang unang lugar na pinuntahan niya noon at kung sino ang naging employer niya.
Mas maganda marahil kung kukunsulta ka sa abogado kaugnay sa iyong problema.
Dr. Love
- Latest