Natipuhan ng marino
Dear Dr. Love,
Isang marino sa US ang nakilala ko sa social media at may dalawang taon na kaming magkaibigan. Naakit daw siya sa beauty ko at magandang disposisyon sa buhay.
Ang sabi ni Glenn, natutuwa siyang malaman na may reserbasyon ako para sa sarili. Pareho raw kami dahil bagaman Italian siya ay mahalaga pa rin sa kanya ang mga kaugaliang tradisyonal.
Unti-unti ay nakilala namin ang bawat isa nang lubos, dahil naging madalas na ang aming on-line chatting. Sinabi ni Glenn na malungkot ang buhay sa gitna ng karagatan. Maliban na lang kung makadaong sila sa isang base para mag-refuel o i-check ang kanilang military ship.
Dr. Love, nararamdaman ko po na nagkakaroon na ako ng feelings kay Glenn at nangangarap na sana minsan ay mapadpad ang kanilang barko sa Pinas para magkita kami at alukin niya ako ng kasal. May unawaan na kasi kami, Dr. Love.
Pero isang araw ay gumuho ang lahat nang tanungin ko siya kung kailan siya bibisita sa akin para mas magkakilala pa kami. Malungkot niyang sinabi na nakatakda na siyang pakasal sa babaeng pinili ng kanyang pamilya.
Pero kahit anya kasal na siya, nais niyang magpatuloy ang aming pagkakaibigan. Hindi ko po alam kung ano ang sasabihin sa kanya. Parang ibang Glenn na ang ka-chat ko.
Iniyakan ko po ang sinabi ni Glenn sa akin. Makakabuti pa po ba kung patuloy ako sa pakikipagkaibigan sa kanya?
Payuhan mo po ako. Hihintayin ko po ang inyong kasagutan at maraming salamat.
Gumagalang,
Sarah
Dear Sarah,
Walang masama kung natitiyak mo sa sarili mo na hanggang magkaibigan na lang kayo. Pero dahil nasasaktan ka kamo, kakayanin mo bang makipag-usap pa rin sa kanya? Kung hindi, kalimutan mo na. At sa susunod na may makilala kang lalaki, marino man o hindi, na magpapahayag ng interes sa’yo, huwag munang mag-assume para hindi ka masaktan.
Para sa akin, mas mainam pa rin na makilala nang personal ang isang tao para makatiyak kang may sinsiredad siya at nagsasabi ng totoo. Kapag magkakilala na kayo ng husto, mas masasabi mo na kung siya ba ang partner na gugustuhin mo o hindi.
DR. LOVE
- Latest