Tsismis ang ugat
Dear Dr. Love,
May limang taon na po kaming kasal ng asawa ko at mayroon na kaming isang anak.
Bagaman masaya ang pagsasama naming mag-asawa, may panahon na nagseselos si Leo at sinasaktan niya ako sa mga parunggit niya.
Dati may kumalat na tsismis laban sa mommy ko, na pinindeho raw niya ang daddy ko. Pero wala po itong katotohanan. Kahit ang yumaong daddy ko kailan man ay hindi naniniwala sa sabi-sabi na ito. Pero si Leo, sinasabing magmamana rin daw ako sa aking ina.
Bukod sa sarili ko, mas nasasaktan ako para sa mommy ko. May alta presyon si mommy at ayaw kong umabot pa sa kanya ang mga sinasabing ito ni Leo.
Ang pakiwari ko po, galing sa mga kapatid ng daddy ko ang tsismis. Dahil matagal na nilang kinaiinggitan ang mommy na naging maswerte sa negosyo.
Paano ko po ipapaunawa kay Leo na hindi totoo ang tsismis at hindi ako ang mommy ko? Hindi ko po gusto na lumala ang hindi namin pagkakaunawaan na ito, ano po ang dapat kong gawin?
Pinapangambahan ko rin na makaapekto sa aming anak ang tungkol dito. Pagpayuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito at hangad ko ang patuloy na pagtatagumpay ng column ninyo.
Gumagalang,
Eden
Dear Eden,
Ang tanging paraan ay makapag-usap kayo ng masinsinan. Sa totoo lang sa anumang gusot ng mag-asawa, ang solusyon ay kadalasang nasa kanila lang din. Tutal ikaw ang mas nakakaunawa, huwag mo siyang patulan. Sa halip humanap ka ng magandang tiyempo na makakapag-usap kayo ng mabuti.
Habang nasa proseso ka nito, lagi mong isama sa iyong mga ipinapanalangin ang asawa mo. Para tulungan ka ng Dios na baguhin ang puso niya.
DR. LOVE
- Latest