May relasyon sa pamangkin
Dear Dr. Love,
Mabiyayang araw sa iyo, Dr. Love. Sana ay datnan ka ng liham ko na malusog at walang problema.
May dalawang taon na akong reader ng PS NGAYON at lagi kong sinusubaybayan ang iyong column dahil sa magagandang payo na ibinibigay mo. Tawagin mo na lang akong Dencio, 55-anyos at isang magsasaka.
Dati akong pulis pero nag-early retirement ako nang mamatay ang asawa ko at iniwan ang aming mga anak na bata pa. Umuwi kami sa probinsya dahil dito’y may maliit kaming farm at nakakatulong ko ang aking mga pamangkin sa pag-aalaga sa aking mga anak.
Dito sa probinsya ay nagkalapit ang loob namin ng aking pamangkin sa third cousin. Siya ay 30-anyos at isa ring biyuda. Siya ang tagapag-alaga ng aking mga musmos na anak. Lihim ang aming relasyon dahil alam mo na ang ugali sa probinsya, na masyadong konserbatibo. Pwede po bang magpakasal kami ng aking malayong pamangkin?
Dencio
Dear Dencio,
Sa pagkaalam ko, ang magpinsan na nasa third degree of consanguinity ay puwedeng magpakasal. Eh ‘di lalo na kung anak ng third cousin ang pakakasalan.
Wala akong nakikitang problema kundi ang posibleng pagtanggi ng iba mong kamag-anak.
Pero kung wala namang legal na hadlang at nagmamahalan kayo, walang dahilan para hindi kayo magkatuluyan.
Dr. Love
- Latest