Matulungin
Dear Dr. Love,
Ako po si Lizel, 28-anyos at may asawa. Bago ako mag-asawa ay ipinaliwanag ko sa aking nobyo na may mga kapatid akong pinapag-aral. Okey naman daw sa kanya.
Pera ko naman ang ginagastos ko dahil malakas ang aking negosyong patubuan. Nagpapautang ako ng pera sa mga market vendors na may kaunting tubo. Kung tutuusin, wala pa sa kalingkingan ng kinikita ko ang suweldo niya bilang kawani sa isang ahensya ng gobyerno.
Tatlo pa ang pinapag-aral kong kapatid at ang dalawa ay magtatapos na sa college. Samantalang yung isa ay nasa first year college pa lang.
Meron na rin akong anak ngayon na 3 years old. Kailangan kong itaguyod ang mga kapatid ko dahil parehong namatay sa car accident ang aming mga magulang.
Pero matapos ang apat na taon naming pagsasama, pinag-aawayan na namin ang aking patuloy na pagtulong sa aking mga kapatid. Tama bang magalit siya sa akin?
Lizel
Dear Lizel,
Walang dahilan para magalit siya sa iyo sa pagiging matulungin sa mga kapatid dahil pinangunahan mo siya noong bago pa kayo ikinasal. Pumayag naman siya.
Iyan ang bagay na sabihin mo sa kanya dahil kung sumumpa ka sa bangkay ng iyong mga magulang na pagtatapusin mo ang iyong mga kapatid, dapat mong tupdin ito.
Isa pa, pera mo ang ginagastos mo at hindi mo naman pinapapasan sa kanya ang obligasyon.
Dr. Love
- Latest