Ginayuma
Dear Dr. Love,
Hindi po ako noon naniniwala sa mga sinasabing gayuma at kulam. Pero nang maranasan mismo ito ng mister ko, hindi na po ako makapagsalita.
Magandang lalaki ang mister ko, Dr. Love. At marami ang nagtataka kung bakit isang simpleng tulad ko na walang maipagmamalaking pinag-aralan ang kanyang nagustuhan.
Ang sabi ng mister ko, wala sa panlabas na anyo ang ganda ng isang tao kundi nasa kanyang kalooban. Kaya naman kampante at hindi marunong magselos. Pero sakaling mahumaling ang asawa ko sa iba, handa akong magparaya kung talagang magmamahal siya ng iba.
Dumating ang sandaling ‘yun, Dr. Love. Nagkaroon ng ibang babae si Bernard, nakumpirma ko ito nang makita ko ang keridang si Mercy sa employees’ quarter na tinutuluyan ng asawa ko.
Pero hindi ko maintindihan noong una, na may kakaiba sa asawa ko na naging sunud-sunuran lang sa pinapagawa ni Mercy. Nang lumuwas siya mula Batangas para puntahan ang naospital naming anak sa Tondo, normal na ang kilos niya. Sa obserbasyon kong ito, naghinala na akong may nangyayari sa asawa ko.
Nakumpirma ang lahat nang mabalitaan kong hiniwalayan na niya si Mercy. Ilang araw lang namaga ang hita niya. Siya naman ang naospital pero walang nakita ang mga doctor. Isang nurse ang bumulong na sa albularyo ko dalhin dahil may tumutulo raw na tubig. Ginawa ko ito at nakumpirmang kinulam ang asawa ko.
Sinugod ko si Mercy at inamin rin niyang ginayuma niya lang ang asawa ko. Pero nang hiwalayan siya, kinulam niya naman. Sinabi kong nakahanda akong magpaubaya kung talagang buntis siya at mahal siya ng asawa ko. At humagulgol na siya, saka humingi ng tawad. Bago ako umalis, sinabi niyang gagaling ang aking asawa basta tuluy-tuloy lang ang pagpapaalbularyo.
Sa karanasan kong ito, walang oras na hindi ako nananalangin para hingin ang patnubay ng Diyos. At hindi niya kami pinabayaan na mag-asawa. Sana gaya ko ay may matutunan din ang mga mambabasa ninyo, Dr. Love.
Gumagalang,
Raquel
Dear Raquel,
Tunay na makapangyarihan ang pag-ibig, lalo na kung ito ay nagpapasaklaw sa kapangyarihan ng Diyos. Salamat sa pagtitiwala mo at sa magandang aral na hatid mo sa ating mga mambabasa.
Hangad ko ang patuloy na masaya at matatag na pagsasama ninyo ni Bernard.
DR. LOVE
- Latest