Tradisyon sa Mamanugangin
Dear Dr. Love,
Inimbitahan po ako ng boyfriend ko na dumalo sa birthday ng kanyang mama sa Bisaya. Nais ni Vic na ipakilala ako sa pamilya niya. Dahil lahat daw nang napangasawa ng mga kapatid niyang lalaki ay dumadaan sa pangingilatis ng kanilang angkan.
Sa lahat raw ng mga kapamilya niya, ang 80-anyos nilang lolo ang pinakamahirap lusutan. Dahil masyadong personal kung magtanong.
Bagaman gusto kong tanggapin ang imbitasyon, nangangamba ako hindi sa maaaring itanong ng kanyang lolo, kundi baka hindi ako makapagpigil sa magiging reaksiyon ko, lalo na kung below the belt na masyado ang issue.
Pinayuhan din ako ni Vic na kahit feel ko nang magtaray, pigilan ko ang sarili ko para hindi mapintasan ng kanyang pamilya.
Mahal ko po ang boyfriend ko at ayaw kong ipagtampo niya sakaling tanggihan ko ang imbitasyon niya. Ano po ang dapat kong gawin para makapasa sa mapanuring pamilya niya? Payuhan po ninyo ako.
Maraming salamat po at more power.
Gumagalang,
Criselda
Dear Criselda,
Huwag mong masyadong i-pressure ang sarili mo tungkol sa tila tradisyong pangingilatis ng pamilya ng boyfriend mo sa kanilang mamanugangin. Maaari ka pa rin naman maging magiliw sa pamilya niya nang hindi mo kailangan sagutin ang lahat ng mga tanong nila.
Pwede mong idaan sa ngiti. At kahit ano pa ang mangyari ay huwag mo silang sisimangutan.
Makakatulong din kung iaabiso mo sa boyfriend mo na pakiusapan ang kanyang mga kamag-anak, lalo na ang lolo niya na huwag masyadong tanungin at baka matakot.
O, siya safe trip sa inyo ng boyfriend mo. Balitaan mo na lang ako kung anong nangyari.
DR. LOVE
- Latest