Nagkatuluyan din
Dear Dr. Love,
Pangalawang sulat ko na po ito na humihingi ng payo sa inyo. Ang una ay noon pang 1996 nang ako ay teenager pa at may puppy love. Pinayuhan pa nga ninyo ako noon na mag-concentrate muna sa pag-aaral at huwag muna isipin ang pag-ibig. Tawagin n’yo na lang akong Joyce.
Ngayon ay 35 anyos na ako at ibig kong ibalita sa inyo na nakatuluyan ko rin ang puppy love ko kahit sumunod ako sa payo ninyo na huwag munang isipin ang love. At totoo nga pala ang sinabi ninyo na kung para kami sa isa’t isa ay walang makakahadlang.
Ten years na kaming kasal ni Ricky at mabait siyang asawa at uliran. Wala akong maipintas. Very caring siya hindi lang sa akin kundi sa tatlo naming anak.
Kaso, nitong mga ilang araw ay napansin ko ang kakaiba niyang pananamlay. Hindi siya katulad ng dati na masigla at parang nagsasaya-sayahan lang siya nitong mga nakaraang araw. Ngumingiti pero pilit.
Kahit anong pilit kong tanungin ay sinasabi niyang wala siyang problema. Paano ko siya mahihimok na maging open sa akin?
Joyce
Dear Joyce,
Sana’y walang seryosong problema pero una sa lahat, ang ganyang situwasyon ay puwedeng mangyari kahit kanino. Maging lalo kang malambing at caring sa kanya at sa pamamagitan ng diplomasya ay maaari mo siyang makumbinsing magsalita sa iyo dahil asawa ka niya.
Puwedeng ito’y problema sa trabaho o pangkalusugan. Mahirap manghula pero tama ang sinabi mo, bilang asawa niya ay dapat mo itong malaman.
Ikaw naman kaya ang magmukmok na mukhang may mabigat na suliranin. Kapag tinanong ka niya, sabihin mo na magsasalita ka lamang sa kanya kung magsasalita rin siya sa iyo.
May dahilan ka namang magmukmok talaga dahil sa mukhang pagtatago niya ng lihim sa iyo. Magaling ka ba sa acting?
Dr. Love
- Latest