Ibig magkaanak sa paraang mali
Dear Dr. Love,
Mabiyayang araw ang pagbati ko sa iyo, Dr. Love. Tawagin mo na lang akong Marco, limang taon nang may asawa pero wala pang anak.
Nang magpasuri kami sa doktor, nakitang may kapansanan ang misis ko. Hindi aktibo ang kanyang obaryo at hindi makapag-produce ng itlog.
May nagsa-suggest ng isang proseso kung saan kukuha ng semilya sa akin at itlog mula sa isang donor na babae pero napakamahal na procedure pala nito at hindi kami mayaman para ma-afford ‘yun.
Desperado ang misis ko na kami’y magkaanak. Mayroon siyang pinsan na babae at sabi niya napag-usapan nilang dalawa ang problema namin. Isang biyuda ang pinsan ng misis ko.
Ang ibig mangyari ng misis ko ay magsiping kami ng pinsan niya. Dahil best friend niya ang pinsan niya at pumayag daw ito. May pagka-liberated din kasi ang pinsan niyang ‘yon.
Pero ayaw kong pumayag. Sa kabila ng pagtutol ko ay pinipilit niya ako. Tama bang pumayag ako sa kagustuhan niya?
Marco
Dear Marco,
Isang moral issue iyan na hindi ko sasang-ayunan kung ako ang tatanungin mo.
Eh ‘di mag-ampon na lang kayo?
Pero kung ang gusto ng misis mo ay magkaanak kayo nang hindi nag-aampon, mali ang makipagtalik ka sa iba para tumayong ina ng magiging anak ninyo.
Kumbinsihin mo ang misis mo na mali ang gusto niya. Kung makikipagniig ka sa pinsan niya, malamang maulit ‘yon dahil magkakaroon kayo ng emotional attachment sa isa’t isa. Forget the idea.
Dr. Love
- Latest