Dedma lang si Bayaw
Dear Dr. Love,
Kamakailan lang ay nagbalikbayan ang isa kong bayaw kasama ang kanyang pamilya. At sa aming bahay sila tumuloy.
Ang intensiyon ng mister ko sa ideyang ito ay para makaisip ang kanyang kuya na makita ang kalagayan ng kanilang ina, na sa amin nakatira. Gayundin ang sitwasyon ng aming pamumuhay, para naman kahit paano ay maglaan siya nang regular na suporta na pambili ng gamot at sa pagpapa-check up ng aking biyanan.
Nasa 83-anyos na po kasi ang kanilang ina at marami na itong nararamdaman, kaya naman talagang kailangan nito ang suporta para gumaling. At dahil hindi naman malaki ang kita naming mag-asawa, kadalasan ay talagang nasasaid kami.
Hindi maitago ang sigla ng biyanan ko nang makita niya ang kanyang panganay na anak, makalipas ang labinlimang taong pamamalagi sa Amerika. Mahabang kwentuhan at kamustahan.
Sa mga sumunod na araw ay walang puknat ang pamamasyal at pamimili ng mag-anak ni Kuya Rolly. At sa nakikita ko ay lubhang maalwa ang kanilang buhay at umaasa ako na hindi nila makakalimutan ang matanda na nilang ina.
Pero ang nakakalungkot na parte, natapos ang bakasyon, isang pabango at $20 dollar lang ang iniwan nila sa biyanan ko.
Hindi na nakatiis ang mister ko at kinausap ang kanyang kuya, hindi na po ako nagtanong tungkol dito. Pero dama ko na namamagitan ang hinanakit sa kanila. Ang sabi pa ng biyanan kong babae, masyado raw mataas ang lipad ng bilas ko at nahawa na si Kuya Rolly.
Ano po ang maipapayo ninyo sa ganitong sitwasyon? Gusto ko po na hindi na lumalim pa ang samaan ng loob na ito. Tulungan po ninyo ako kung ano ang mabuting gawin.
Felicidad
Dear Felicidad,
Napakahaba ng 15 years, pero nakaraos kayo habang nasa poder ninyo ang biyanan mo. Kaya mas mabuti pang huwag n’yo nang asahan ang bayaw mo. Dahil kapag ayaw, kahit pa lantad ang lahat dedma lang.
Angkinin ninyo ang ganap na pagpapala na pangako ng Diyos sa pagkalinga sa magulang.
DR. LOVE
- Latest