Binalikan dahil sa pakinabang
Dear Dr. Love,
Magandang araw po sa inyo, Dr. Love. Ang problema ko po ay tungkol sa dati kong asawa na sumama sa isang taxi driver, iniwan ang dalawa naming anak sa akin, pero ngayon ay bigla na lang sumulpot sa aming bahay.
Kumuha ako ng tagalaba at tagapag-alaga sa dalawa kong anak na apat na taon at dalawang taon nung iwanan kaming mag-aama ng aking asawa. At nang mag-preparatory ang panganay kong si Nene, sinabi ko kay Manang Conching na isama na niya ang anak niyang 18-anyos sa bahay para may makatuwang siya sa pag-aalaga sa mga bata at sasagutin ko na ang tuition ng anak niya sa vocational.
Okey na ako sa ganung set-up naming mag-aama sa bahay nang biglang sumulpot ang dati kong asawa, bitbit ang mahigit isang taong anak nila ng kalaguyo niya.
Humingi siya ng tawad at nakiusap na makikitira muna sa aming bahay hanggang sa makahanap siya ng trabaho. Dahil sa awa ay tinanggap ko siya sa kondisyong hindi na niya babalikan ang kalaguyo niya.
Pero magdadalawang linggo palang ay pinupuntahan na siya ng lalaki niya sa bahay at nakikikain pa. Iniiwan din ng dati kong asawa ang anak niya kay Manang Conching.
Sagad-sagad na po ang panloloko niya sa akin, gusto yata ay ako pa ang bumuhay sa kanila ng anak niya habang nagbababad siya sa lalaki niya. Kaya pinalayas ko po siya sa bahay.
Tama po ba ang naging desisyon ko? Hindi man lang nagpakita ng kaunting pagbabago ang dati kong asawa.
Maraming salamat po at hihintayin ko po ang mahalaga ninyong payo.
Gumagalang,
Adriano
Dear Adriano,
Sang-ayon akong putulin ang anumang uri ng pag-abuso. Kung minsan kailangan din magpakita ng bangis para itaboy ang ganitong uri ng tao. Sa palagay ko, wala nang respeto sa’yo ang dati mong asawa. At ang tanging pakinabang na lamang niya sa’yo ang pakay niya sa pagbalik niya. Sakaling maulit pa ang pagmamakaawa niya sa’yo, dalhin mo siya at ang kanyang anak sa DSWD para siyang kumalinga sa kanila.
DR. LOVE
- Latest