Magulang ang pinili kaysa bf
Dear Dr. Love,
Malapit na akong umalis papuntang Australia para tulungan ang nakakatanda kong kapatid sa ipapatayo niyang restaurant doon. Malungkot po ang puso ko dahil nakipaghiwalay ako sa boyfriend ko para rito. Hindi ko po kasi kayang iisantabi ang pangangailangan ng aking mga magulang.
Nang unang sabihin sa akin ni Manang Elsa ang tungkol sa balak niya, sinabi ko ito sa aking boyfriend. Hindi po siya pumayag na umalis ako. Bagay na ikinagalit ni Manang, na sa pagdaramdam dahil sa pagiging makasarili ko raw ay hindi nagpadala ng suporta sa loob ng ilang buwan.
Si Manang po ang bumabalikat ng lahat ng pangangailangan ng aming pamilya, kasama na ang ipinang-aral ko noong nasa kolehiyo pa ako. Kaya nang magdamdam siya at hindi magpadala, hindi ko malaman kung saan ko kukunin ang panggastos para kina tatay at inay.
Hindi naman ako matulungan ng boyfriend ko na gaya ko rin na pangkaraniwang empleyado lamang. Kaya nagpasiya na akong ipaayos kay Manang ang papeles ko para matulungan ko na siya.
Sa tingin po ba ninyo, tama ang naging desisyon ko? Pagpayuhan po ninyo ako. Ipinapangako kong ipamamalita ko ang tungkol sa column ninyo pagdating ko ng Australia.
Gumagalang,
Sienna
Dear Sienna,
Hindi ka rin naman magiging masaya sa piling ng boyfriend mo kung ang mas matimbang na bahagi ng iyong pagkatao ay nag-aalala para sa kalagayan ng iyong mga magulang. Para sa akin, tama ang desisyon mo.
Mabibilang na lang ang panahon ng mga magulang mo sa mundo, kaya bilang anak ay huwag mong ipagkait sa kanila ang iyong pagkalinga at suporta. Kung tunay ang pagmamahal sa’yo ng boyfriend mo, mauunawaan ka niya at nakasuporta siya sa iyong pasiya.
Pero kabaliktaran ang nangyari kaya, huwag mong ipagkait sa sarili ang makakilala ng lalaking magmamahal sa’yo ng may pang-unawa. ‘Yung kaya kang bigyan ng komportableng buhay at hindi ‘yung aasahan ka para mabuhay.
DR. LOVE
- Latest