Gusto nang makipaghiwalay
Dear Dr. Love,
May isang taon na akong kinukutuban tungkol sa naoobserbahan kong pagbabago ng aking asawa. Mula nang hindi na kami sumamang mag-iina sa muling pagkakadestino niya sa Laguna bilang maintenance crew ng isang planta.
Sa umpisa ay hindi nagiging regular ang kanyang pag-uwi sa inuupahan naming apartment sa Maynila. At ang sumunod ay laging bawas na ang sustentong ipinadadala niya sa amin. Kulang pang pambayad ng kuryente, ilaw at ang pagkain namin sa araw-araw.
Pilit ko pong isinantabi ang niloloob ko tungkol dito, Dr. Love. Sa halip ay nagpokus akong masuportahan ang aking anak na nakapasang scholar ng UP-Diliman.
Pero ang balitang tinanggap ko mula sa aking kapatid ay hindi na nakapagpatahimik sa akin. Sinabi niyang may ibang babae nang inuuwi ang aking asawa sa aming bahay sa Laguna at buntis na raw ito. Kaya agad akong bumiyahe para makita mismo ng aking mga mata ang totoo.
Hindi na nakapagkaila si Leonardo at nakiusap na hayaan ko lang daw mailuwal ng kanyang kalaguyo ang kanilang sanggol na lalaki na matagal na niyang minimithi. Balak niyang kunin ang bata at alagaan daw namin.
Sobrang tutol po ang kalooban ko rito, Dr. Love. Bago pa ako tuluyang umalis doon ay nakapagpasiya na akong hiwalayan ang aking asawa. Ang amo ko ang kumupkop sa aming mag-iina nang malaman ang mga nangyari.
Inilihim ko po sa aking mga anak ang tungkol sa pambababae ng kanilang ama. Gusto ko pong ituloy ang buhay ko na kami na lang mag-iina. Pagpayuhan po ninyo ako kung paano ako makakawala sa sama ng loob na ito.
Linda
Dear Linda,
Naniniwala ako na anumang sitwasyon na pinagdaraanan sa buhay ay lilipas din. Kaya huwag mong masyadong pagtuunan ng pansin ang sama ng loob na dinulot ng iyong asawa. Nariyan na iyan eh.
Kapag humupa na ang negatibong emosyon na ito ay magagawa mo nang maikonsidera ang pagpapatawad. Kung magkataon na may puwang pa rin sa iyong puso ang iyong asawa, bigyan mo pa siya ng pagkakataon para maisalba ang inyong pamilya.
DR. LOVE
- Latest