‘Di masaya ang sexlife
Dear Dr. Love,
Hindi ko akalain na sa tatlo at kalahating taon naming pagsasama ni Leo bilang mag-asawa ay makakarinig ako sa kanya ng pagkaunsiyami dahil sa kawalan ko raw ng kakayahang mabigyan siya ng kasiyahang seksuwal.
Noong unang buwan pa lamang nang kami ay ikasal, binilhan niya ako ng mga libro na tungkol sa maligayang pagsasama ng mag-asawa at kung paano mabibigyan ng kasiyahan ng babae ang kanyang partner. Binasa ko naman lahat pero hindi pumapasok sa isip ko ang mga ‘yun.
Ang tanong ko lang sa sarili ko, bakit ako lang ang kailangang gumawa ng adjustment? May pagkukulang din naman ang aking mister na mabigyan ako ng kasiyahan.
Ang sabi ni Leo sa akin, kailangang alisin ko sa isip ang inhibition. Dahil ang relasyong seksuwal sa mag-asawa ay hindi anya masama. Dito anya naipapakita ang pagmamahal sa isa’t isa.
Mula sa mga aklat, nag-uwi naman si Leo ng mga video at pinanood namin ito bago kami magsiping. Pero tutol ang kalooban ko sa mga ipinagagawa niya sa akin para siya’y mabigyang kasiyahan.
Mula noon, nanlamig na si Leo at parang ayaw na niyang makipagsiping sa akin. Ano po ba ang mali sa akin? Dapat ba lagi ko siyang pagbigyan sa gusto niyang paraan ng pagsisiping o dapat kaming kumunsulta na mag-asawa sa doktor?
Payuhan mo po ako, ayaw kong hanapin sa iba ni Leo ang hindi ko maibigay sa kanya.
Salamat po at more power.
Gumagalang,
Alice
Dear Alice,
Sang-ayon ako na hindi dapat maging one-way ang hakbang para magkaroon ng satisfaction ang sexual relationship ng mag-asawa. Dahil sa isang relasyon ay laging dalawa ang kikilos para mas maging maligaya ang pagsasama.
Wala namang hindi madadaan sa mabuting usapan, kaya humanap ka ng tiyempo na makausap mo nang heart to heart ang asawa mo. Idaan mo sa paglalambing ang pagsabi sa kanya ng iyong saloobin. Dahil mahal ka niya, sigurado ako na mauunawaan ka niya.
DR. LOVE
- Latest