Still single at 40
Dear Dr. Love,
Shock po sa akin ang mga batchmates ko sa high school nang malaman nilang wala pa akong balak mag-asawa sa edad na 40-anyos. Hindi naman po ako natatakot na tumandang binata, hindi kopa lang nakikita ang babae na para sa akin.
May mga naging karelasyon naman ako noong kabataan ko, pero ang totoo, hindi ko rin alam kung paano ko nalusutan ang mga iyon. Sa ngayon po ay abala ang mga kapatid ko na magreto sa akin.
Lahat po kasi sila ay pawang pamilyado na. Ako na lang ang single, gusto rin ng mga magulang ko na magkaroon ng permanenteng relasyon. Pero anong magagawa ko, mailap ang permanent commitment.
Medyo nasaktan lang ako nang magkaroon ng issue, na pinagdududahan na ng ibang miyembro ng aking pamilya ang aking kasarian. Wala naman akong problema doon, dahil nakakatiyak ako sa aking sarili na hindi ako gaya ng iniisip nila.
Kaya lang kung minsan ay nakakaramdam din ako ng lungkot. Lahat halos ng mga kaibigan ko ay nagkanya-kanya nang migrate sa ibang bansa. Kapag may happenings, wala tuloy akong maaya.
Sa palagay n’yo po ba, Dr. Love may mali sa akin? Payuhan po ninyo ako. Maraming salamat at more power to you.
Gumagalang,
Bon
Dear Bon,
Huwag mong masamain ang mga patutsada ng mga kamag-anak mo tungkol sa iyo. Gusto lang nilang i-push na magkaroon ka na rin ng sariling kaligayahan sa buhay.
Para sa akin, hindi naman isang kamalian ang manatiling single sa edad mo. Pero hindi rin naman masama kung bibigyan mo ng pagkakataon ang sarili mo na makihalubilo sa iba, malay mo sa ganoong set up mo makilala ang babaeng para sa iyo. Kaya hala, kilos na.
DR. LOVE
- Latest