Bokasyon
Dear Dr. Love,
Hello po Dr. Love, sana’y abutan ka ng sulat ko na nasa mabuting kalagayan. Ikubli mo na lang ako sa alias na White Rose, 20-anyos.
Pumasok po ako sa convent para magmadre. Pero tinanong akong mabuti ng superyora doon kung taos sa loob ko ang pagmamadre.
Ang sabi ko ay “opo” at gusto kong maglingkod sa Diyos. Marami pang bagay na itinanong sa akin tulad ng, hindi raw ba ako nagka-boyfriend at baka pumapasok lang ako sa convent dahil broken hearted lang ako. Sabi ko ay hindi.
Gayunman, bagama’t pinayagan akong manatili sa convent ay pinayuhan akong mag-isip ng mabuti at malaya akong makalalabas kung magbabago ang isip ko.
Hindi ako nagsabi ng buong katotohanan sa superyora. Ang totoo, nagkaroon ako ng boyfriend at may nangyari na sa amin. Pero iniwanan ako at nagpakasal sa iba.
Iyan ang dahilan kung bakit ipinasya kong pumasok sa convent. Nagi-guilty ako ngayon dahil nagsinungaling ako sa superyora.
Ano ang dapat kong gawin?
White Rose
Dear White Rose,
Kausapin mo uli ang Madre Superyora at ipagtapat mo ang totoo. Hintayin mo ang magiging payo niya sa iyo.
Ang pagpasok sa ano mang bokasyon ay isang calling o katawagan. Kung may iba kang dahilan dahil sa pagmamadre tulad ng pagkasawi sa pag-ibig, baka magsisi ka lang pagdating ng panahon.
Kaya tama ang payo ng madre sa iyo. Pag-isipan mong mabuti kung gusto mong magsilbi sa Diyos sa ganyang paraan.
Dr. Love
- Latest