Pinipintasan ng biyenan
Dear Dr. Love,
Ako po si Charryl, 24 anyos at dalawang taon nang may asawa. Dalawang taon na kaming nakapisan sa aking mga in-laws. Mayaman ang mga magulang ng mister ko at doon din nakatira ang kuya niya na may asawa rin.
Napansin ko na paborito ng aking mother in law ang aking hipag. Laging pinupuri sa mga ginagawa niya. Samantalang ako ay laging pinipintasan, tulad ng pamamalantsa ko sa damit ng mister ko.
Medyo hindi na ako komportable sa pakikipisan sa mga in-laws ko lalo pa’t hindi ko rin makasundo ang aking bilas. Pati ang mga anak namin, kapag nag-away ang kinakampihan ng mother in-law ko ay ang anak ng sister in-law ko.
Nasabi ko na ito nang ilang beses sa mister ko. Sabi ko bumukod na kami pero hindi ko siya makumbinsi. Hindi raw niya kaya dahil maliit ang suweldo niya. Sabi ko magtatrabaho ako para makaya naming bumukod. Pero sino raw mag-aalaga ng aming anak?
Ano ang gagawin ko?
Charryl
Dear Charryl,
Dalawang bagay: himukin mo pa ang mister mo sa ideya mong bumukod. Kung ayaw niya, huwag mo na lang pansinin ang diskriminasyon.
Tutal hanggang salita lang naman na puwedeng tiisin. Magsumikap ka na lang na maging mabuting asawa sa mister mo.
Dr. Love
- Latest