Verbally abused
Dear Dr. Love,
Masama po ang loob ko ngayon dahil bukod sa mura ay maraming masasakit na salita ang sinasabi sa akin ng aking asawa. Ang masaklap pa po ay naririnig at nalalaman ito ng ibang tao sa aming paligid.
Hindi po ito ang unang pagkakataon na mangyari sa amin, ang kalimitan po na nagiging dahilan ay ang pag-alma ko sa pagtatago niya sa akin ng tungkol sa pera.
Namamasada po ang asawa ako at naglalabada naman ako. Mas matutugunan po sana ng aming magkatuwang na pagkayod ang mga pangangailangan ng aming pamilya kung magsisinop lamang siya sa kanyang kita.
Kaya lang po, nauuwi ang malaking bahagi ng kita niya kundi sa tong its ay sa sabong.
Ang inaalala ko po ay darating na naman ang mga bayaran sa katapusan pero kahit pambayad na lang sa kuryente ay pinakikialaman pa niya. Hindi ko po alintana ang pagod ng aking katawan kung magiging makatuwiran lamang ang asawa ko sa paglalaan para sa aming pamilya.
Sa hirap na nararanasan ko, Dr. Love ay nakakaisip ako na iwanan na lang siya. Dahil hindi rin nakakabuti sa mga bata na madalas na naririnig na minumura ako ng kanilang ama. Tama po ba ang binabalak kong paglayo sa aking asawa? Pagpayuhan po ninyo ako.
Leng
Dear Leng,
Naiintindihan ko na hindi madali ang sitwasyon mo ngayon, verbally abused ka. Pero huwag ka munang magpadalus-dalos sa iyong desisyon. Isipin mo muna kung paano mo makakausap ng matino ang iyong asawa. Daanin mo sa lambing at mahabang pasensiya, sikapin mo na maging ok ang inyong pagsasama. Hingin mo rin ang kooperasyon ng mga bata na maging magiliw sa kanilang ama, baka sa pamamagitan nito ay lumambot ang puso niya at makaisip na magbago. Ilapit mo sa Dios ang inyong pagsasama dahil walang impossible sa Kanya.
Dr. Love
- Latest