Batugan ang boyfriend
Dear Dr. Love,
Hayaan mo muna akong bumati sa iyo. Sana ay umabot sa iyo ang liham ko na nasa mabuti kang kalagayan.
Kung puwede’y itago mo na lang ako sa pangalang Sylvia, 20 anyos at may boyfriend. Walang trabaho ang boyfriend ko kaya tutol na tutol ang aking mga magulang. Mag-iisang taon na kaming may relasyon ng kasintahan ko.
Kahit ako’y nasa tamang gulang na ay pinakikialaman pa ang buhay pag-ibig ko. Tama po ba ito? Mayroon po naman akong trabaho at kaya na naming magpamilya kung tutuusin.
Dahil sa pagtutol na ito ng parents ko, kinukumbinsi ako ng kasintahan ko na magtanan na kami at magsama. Pero pinag-iisipan ko ito at baka walang hantungang mabuti.
Ano ang gagawin ko, Dr. Love? Susundin ko ba ang puso ko?
Sylvia
Dear Sylvia,
Bakit ayaw magtrabaho ng boyfriend mo? Aba, ang pangit namang tingnan kung ikaw ang bubuhay sa kanya gayung siya ang lalaki.
Pinapangalagaan lang ng mga magulang mo ang iyong kapakanan kaya sila tumututol sa inyong relasyon.
Sabihin mo sa boyfriend mo na maghanap ng trabaho bago niya isipin na kayo’y magpakasal o magsama.
Kung wala naman siyang kapansanan sa katawan, walang rason para hindi siya magtrabaho. Pero sa tingin ko, ang pinakamalaking kapansanan niya ay ang pagiging batugan.
Dr. Love
- Latest