Reunion nauwi sa date
Dear Dr. Love,
Isang mapagpalang araw sa inyo. Isa po ako sa matagal nang mambabasa ng inyong malaganap na column kung kaya’t kayo agad ang sumagi sa aking isip na pagdulugan ng aking problema.
Isa po akong pamilyadong tao at maligaya ang pagsasama naming mag-asawa kasama ang aming tatlong anak sa nakalipas na 20 taon.
Nag-umpisang magulo ang isip ko matapos ang reunion namin ng mga high school classmates ko, kung saan nagkita kaming muli ng Lia. Ang long-time crush ko.
Dr. Love hindi ko po akalain na sa pagkikita naming iyon ay mabubuhay ang paghanga ko sa kanya. Nalaman ko po na wala pa siyang asawa pero may boyfriend na at napag-uusapan na ang kasalan.
Naulit ang pagkikita namin, pero kami na lang dalawa. Isang luncheon date malapit sa pinapasukan niyang opisina. Dito ko nasabi sa kanya na pinanghihinayangan ko na hindi ko naipagtapat sa kanya na crush ko siya. Tumawa po siya at sinabing crush din daw niya ako noon pa. Kakaibang kaligayahan po ang nadama ko, Dr. Love.
Nagtapos ang date na iyon sa usapang mag-over night stay naman kami sa isang hotel sa Tagaytay. Ang pananabik ko ay may kahalo nang kaba, Dr. Love dahil natuto na akong maglihim ng lakad ko sa aking asawa. Ano po ang gagawin ko, tatawagan ko ba si Lia na huwag nang ituloy ang aming date o hintayin kong siya ang tumawag? Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love.
Gumagalang,
Dominique
Dear Dominique,
Ngayon pa lang ay putulin mo na ang pakikipag-ugnayan kay Lia. Dahil kung hindi, pagsisisihan mo ang mamamagitan sa inyo sa overnight na ‘yun. Isipin mo ngayon pa lang ang magiging resulta.
Sa ilang oras na nakaw na sandali ay mawawasak ang 20 taong pinagsamahan ninyong mag-asawa at masisira ang kinabukasan ng iyong mga anak. Lumayo ka sa tukso.
DR. LOVE
- Latest