Saan ikakasal?
Dear Dr. Love,
Nag-propose na po ang boyfriend ko para sa aming pagpapakasal, pagkaraan ang mahigit tatlong taon bilang magkasintahan. Matagal ko na po itong hinihintay dahil naniniwala ako na siya na ang lalaking makapagpapaligaya sa akin.
Pero may kabuntot na pagdadalawang-isip ang proposal na ‘yun sa’kin. Dahil magkaiba po kami ng relihiyon. Katoliko po ako at Protestante naman siya. Hindi po kaya makasagabal ang pagkakaibang ito namin ng paniniwala sa aming buhay-may asawa?
Ang sabi ni Rico, wala raw problema dahil iisa lang naman ang Dios namin. Tinanggap ko na po ang proposal at gusto na niyang mamanhikan. Dr. Love, paano po kung hindi magkasundo sa venue ng kasal? Hindi papayag ang mga magulang ko na hindi kami sa simbahan ikasal. Ayaw ko naman magkasamaan ng loob ang aming mga partido.
Willing po kasi si Rico na magpabinyag at magpakumpil para makasal kami sa simbahang Katoliko, pero baka sumama ang loob ng mga magulang niya.
Sakaling magkaganon, ang solusyon ni Rico ay sa judge kami magpapakasal para wala na raw tsetse buretse. Tama po ba ang solusyon ni Rico? Pagpayuhan po ninyo ako. Nangangamba rin ako, posible po kaya na magkaurungan ng kasal dahil sa pagkakaiba ng relihiyon?
Gumagalang,
Nancy
Dear Nancy,
Wala namang hindi nadadala sa mahinahong pag-uusap. Kayong dalawa ni Rico ang makipag-usap sa inyong mga magulang at hingin ang kanilang pang-unawa na mairaos ang kasal ng matiwasay.
Dahil kayo ang ikakasal, nasa inyo ang huling desisyon para sa inyong kasal. Subukan n’yo munang i-workout na mapagkasunduan kung saang venue. Dahil sa paniniwala ko, lahat ng babae ay naghahangad na makapaglakad sa center aisle para sa once in a lifetime experience nang pagpapakasal.
Kung hindi talaga uubra, okey din ang legalidad ng huwes para sa seguridad ng inyong pagsasama bilang mag-asawa.
DR. LOVE
- Latest