Ipinapahiya ng biyenan
Dear Dr. Love,
Tatlong taon na kaming nagsasama bilang mag-asawa ni Jojo pero hanggang ngayon po hindi pa magaan ang pakikisama sa akin ng kanyang ina. Hindi niya itinatago sa akin at maging sa kanilang mga kamag-anakan na hindi niya ako gusto bilang manugang dahil hindi nila ako ka-level. Lagi rin niya ipinangangalandakan na ang mamanahing pera at mga ari-arian lang ang dahilan kaya ako nakipagrelasyon sa kanyang anak.
Ito ay sa kabila ng prenuptial agreement na nilagdaan ko, kung saan pinagtitibay ko na hindi magiging conjugal property ang mga mamanahin ni Jojo na galing sa kanyang ina.
Nasa Amerika na po ang mga magulang ko, ang tanging kasama ko na lang sana rito sa Pilipinas ay ang lola pero sumakabilang buhay na siya. Pinamana niya sa akin ang bahay at lupa niya. Tinatapos ko lang po rito ang pag-aaral ko ng medisina bago ako sumunod sa aking mga magulang. Pero dahil nakilala ko si Jojo, nakalimutan ko na ang Amerika, nagpakasal kami at dito na ko nag-practice ng pagdodoktor. Ayaw rin naman mawalay ng aking asawa sa kanyang ina.
Ang minsan pang panghihiya sa akin ng aking biyanan ang nagtulak sa akin para umalis na sa kanilang bahay. Sa reunion ng pamilya ay hindi niya ako pinasama sa family picture, sa halip ang babae na gusto niya para sa kanyang anak.
Wala na po akong planong bumalik sa bahay ng aking biyanan. Si Jojo ang nagpupunta sa akin, sa bahay na ipinamana ng lola ko. Balak ko po ituloy ang pagpunta sa Amerika, alam ko kapag nangyari ito ay magkakanya-kanya na rin kami ng buhay ni Jojo. Sa palagay n’yo po ba ito ang pinakamahusay na gawin ko? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang at nagpapasalamat,
Jennifer
Dear Jennifer,
Wala naman sa inyong mag-asawa ang problema, kundi sa biyanan mo. Kaya sana ay mai-workout ninyo ang lahat at ilayo muna ang option ng paghihiwalay. Mag-usap kayo ng masinsinan, sikapin mo na maipaunawa sa mister mo ang mga nagiging problema mo at hingin ang estado ng kalooban niya para rito.
May maiisip kayong paraan, for sure. Lalo pa’t hindi ninyo problema ang bahay at lupa. Marahil ay kaunting adjustment lang.
DR. LOVE
- Latest