Bagong buhay sa dating gawi
Dear Dr. Love,
Tawagin mo na lang akong Mina, 25-anyos. Una’y hayaan mo muna akong bumati sa iyo ng maligayang Pasko at masaganang Bagong Taon.
Hindi po ako hihingi ng payo kundi gusto kong ibahagi ang kasaysayan ko para maging inspirasyon sa iba, na gaano man kabigat ang problema ay laging may kalutasan kung lagi tayong dumadalangin sa Panginoong Diyos.
Ako po ay may asawa na dating basagulero. Kinatatakutan siya sa aming lugar dahil walang araw na hindi siya nakikipag-away. Parang hindi buo ang araw niya kung hindi siya makikipagbuntalan kaya lagi siyang naghahanap ng away.
Takot nang pumatol sa kanya ang mga nakakakilala sa kanya sa aming lugar kaya ang kinaiinitan niya ay mga taong napapadpad sa aming lugar.
Lagi kong ipinagdarasal ang kanyang pagbabago at ito’y dininig ng Diyos nang siya ay ma-discover ng isang boxing promoter.
Inalagaan siya ng promoter at ngayo’y isa na siyang boksingero na bagamat wala pang pangalan ay sinasabing may maganda siyang kinabukasan dahil sa kanyang galing.
Nakapagbagong-buhay siya sa dati niyang gawi at ito’y isang bagay na pinasasalamatan ko sa Diyos.
Salamat sa pagpapaunlak mong mailathala ang aking sulat.
Mina
Dear Mina,
Salamat din sa sulat mo na may dalang inspirasyon sa mga mambabasa. Dumadalangin ako na ang asawa mo ay aasenso sa larangang kanyang napili upang maghatid din ng dangal sa Pilipinas tulad ni Manny Pacquiao.
Masaganang Bagong taon sa iyo at sa iyong mag-anak.
Dr. Love
- Latest