Problema ng isang ina
Dear Dr. Love,
Nang sumakabilang buhay ang asawa ko, lumipat na sa bahay namin ang anak kong bunso na si Auria, ang kanyang asawa na si Mario at kanilang dalawang anak.
Sa aking mga anak, tanging si Auria lang ang walang sariling tahanan dahil pangkaraniwang empleyado lamang sa gobyerno ang kanyang napangasawa.
Hirap din siyang makahanap ng trabaho dahil high school lang ang natapos. Maaga siyang nag-asawa kaya hindi na nakatapos ng kolehiyo.
Simula nang nasa poder ko ang aking bunso at ang kanyang pamilya ay lagi na akong kinakapos. Ang aking pensiyon at ang allowance na pinapadala ng iba ko pang mga anak ay hindi nagiging sapat. Dahil naipasan sa balikat ko ang arawang gastos ng pamilya ni Auria at madalas maging ang tuition fee na rin ng aking mga apo.
Umaalma ang kanyang mga kapatid. Dapat daw ay turuan ko siyang magkaroon ng sariling pagkakakitaan at hindi umasa na lang.
Ayaw kong magkasamaan ng loob ang aking mga anak. Pero paano po ang gagawin ko para malutas ang problemang ito? Pagpayuhan po ninyo ako. Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon sa inyo at lahat na staff ng PSN.
Gumagalang,
Mapagmahal na Ina
Dear Mapagmahal na Ina,
Magandang ikonsidera ang suhestiyon ng iba mo pang mga anak. Turuan mong magkaroon ng pagkakakitaan ang iyong bunso. Ang pagtitinda-tinda ng miryenda o kahit maliit na sari-sari store ay pwede niyang subukan. Maaaring pahiramin mo siya ng kapital na kanyang magiging panimula. Makakatulong ito sa kanya at maaaring mapaglibangan mo rin habang nasa bahay ka.
DR. LOVE
- Latest