Inabandona ng asawa
Dear Dr. Love,
Limang taon na po kaming hiwalay ng aking asawa at mayroon na siyang sariling pamilya sa mas batang babaeng ipinagpalit niya sa akin. Pero hanggang ngayon galit pa rin ako sa ginawa niyang pag-abandona sa amin ng kanyang anak.
Bagaman suportado ni Dolfo ang mga pangangailangan ni Mercia na 15-anyos na ngayon, hindi rin siya nakakalimot sa mga mahahalagang okasyon gaya ng birthday at Pasko para makapiling ang aming anak ay nanatiling hindi pa rin ito sapat.
Nasa 50-anyos na po kami pareho si Dolfo. Pero hindi pa naman ako mukhang losyang at makakahanap pa rin ng kaligayahan sa iba . Pero mas pinili ko na kalimutan na lang dahil hindi ko kayang talikuran ang obligasyon ko sa aking anak.
Dumating ang isa pang pagsubok, nagka-dengue si Mercia at tinawagan ko agad ang dating asawa at inobliga sa pagbabantay araw-araw sa aming anak. Alam ko na pagmumulan ito ng away nila ng bago niyang asawa. At sa totoo lang po, ikinatutuwa ko ‘yun dahil galit pa rin ako sa ginawa niya sa aming mag-ina.
Nagpa-psychiatrist na ako, Dr. Love pero hindi pa rin nagbabago ang kalooban ko para sa aking asawa. Tulungan po ninyo ako.
Gumagalang,
Trisha
Dear Trisha,
Hindi kita masisisi kung masyadong malalim ang sugat nang iwanan ka at ang inyong anak ng iyong asawa at ipagpalit sa ibang babae, at magkaroon ng bagong pamilya.
Pero hindi makakabuti kung hahayaan mong manatili sa puso mo ang galit, nagbubunga ito ng sakit, maagang pagtanda at kung minsan agarang pagkasawi.
Kung nasubukan mo na ang paraan ng mga dalubhasa sa mental health, pero walang epekto. May mas mabisa, pero kailangan ng ganap na partisipasyon mula sa iyo.
Sa Dios ka lumapit, iiyak ang lahat ng mga hinanakit mo at hayaan Siyang baguhin ang puso mo. Sa Kanya mo ituon ang iyong atensiyon at kalooban, dahil Siya lang ang may perpektong hakbang para baguhin ang damdamin mo.
DR. LOVE
- Latest