Pa’no ipapaliwanag kay Dora?
Dear Dr. Love,
Kinamulatan ko ang kasal bilang sagradong sakramento ng isang babae at lalaking nagmamahalan. Ito ay malaking responsibilidad at pundasyon sa pagkakaroon ng maligaya at mapayapang pamilya.
Pero pinangangambahan ko po ngayon ang maaaring maging epekto sa aking 9 na taong gulang na anak, si Dora dahil sa kahilingan ng aking gay na brother in-law na maging flower girl nila ng kanyang gay partner ang aking anak sa kanilang pagpapakasal sa US.
Una nang nagdahilan kaming mag-asawa na hindi makakasama, pero kahit daw ang anak ko na lang ang maging representative ng aming pamilya. Sasagutin nila ang lahat ng gastos.
Bagaman hindi pabor si Dora na maging flower girl dahil alangan na raw sa kanyang edad. Pero gusto niya pa ring sumama sa abroad dahil libre.
Walang nakakaalam sa mga anak ko, kay Dora at sa 12 taon nilang kuya, ang tungkol sa kasarian ng kanilang Tito Tonton at kinakasama nito. Kaya hindi ko po alam kung paano ko maipapaliwanag sa kanila nang hindi maapektuhan ang paggalang nila sa kanyang tito at pagpapahalaga sa sagradong kasal.
Hindi rin mapalagay si Dora sa katatanong tungkol sa aniya’y hindi kapani-paniwalang kasalan ng dalawang lalaki. Kung ito ba ay legal at kung ang kanilang relasyon ay ipinahihintulot ng simbahan.
Paano po ako magpapaliwanag? Hindi po ba makakagulo ito sa isipan ng aking anak?
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito.
Gumagalang,
Celina
Dear Celina,
Sa palagay ko kahit paano ay may awareness na ang iyong anak sa hindi kapani-paniwalang kasalan ng parehong kasarian. Kailangan na lang ay i-expand ito. At ang kalituhan ay maiiwasan kung magkakaroon kayo ng malinaw na stand tungkol sa tunay na kabuluhan ng kasal.
Kung ako, huwag na lang ninyo pahintulutang isama ang bata. Natitiyak ko naman na hindi ito magiging dahilan para hindi nila ituloy ang kasal. Isa pa, isang epektibong paraan ito para maituro ninyo sa inyong mga anak ang paniniwalang kinamulatan ninyo. Pero igiit n’yo rin na walang sino man ang dapat humusga sa kanilang kapwa. Kaya sa kabila ng pagkakaiba ay panatilihin pa rin nila ang paggalang sa kapatid ng kanilang ama.
Dr. Love
- Latest