Bakasyunista
Dear Dr. Love,
Hindi ko po nagugustuhan ang bansag na mapaghanap at walang konsiderasyon, ng aking mga hipag sa akin. At ang masaklap pa, ito ay nagmula sa kwento ng aking biyanan.
Tuwing magbabakasyon po ang aking hipag kasama ang kanyang asawang foreigner, sa amin nakatoka ang titirhan nila, pagkain, maging ang sasakyan kung saan nag-aarkila pa ako ng kanilang driver para komportable sila sa kanilang biyahe pa-Tagaytay, Clark Subic at kahit pa nga Bicol. Bago pa sila umuwi pabalik ng Canada ay binibilhan ko ng pasalubong ang lahat ng paryentes ng Canadian na asawa ng hipag ko.
Pero kabaliktaran ng aming pag-aasiste ang naranasan namin nang kami namang mag-asawa ang nagbakasyon sa Canada. Para makatipid, hindi kami nag-hotel at tumuloy sa bahay ng aking hipag. Pero nagmistulang atsoy at atsay kami, dahil bahala kami sa grocery at naging tagapag-alaga pa kami ng kanilang dalawang anak.
Sa totoo lang, hindi naman po ako ang mareklamo kundi ang asawa ko, sinabi pa niyang makakatikim raw ang kapatid niya kapag ito naman ay nagbakasyon sa Pilipinas. Dahil hindi niya raw akalain na ganoon ang magiging trato nila sa amin.
Nagkwento ang asawa ko sa kanyang ina at nang ito naman ang magkwento, ako na ang lumabas na kontrabida. Gusto ko sanang i-correct ang kwento ng biyanan ko pero naisip ko na matanda na siya at siyempre kakampihan niya ang kanyang anak na babae. Kaya nanahimik na lang ako.
Sa palagay n’yo po ba may dahilan ang hipag ko para magalit siya sa amin? Maraming salamat po at more power to you.
Gumagalang,
Alicia
Dear Alicia,
Marahil kung ang kwento ng kanyang ina ang pakikinggan ng hipag mo, magkakaroon siya ng dahilan para magalit. Pero alam mo ang totoo, kaya wala kang guilt feeling. Sang-ayon ako na huwag mo nang patulan ang iyong biyanan at sikapin n’yo pa ring mag-asawa na maging mabuti sa kanya sa kabila ng lahat. Dahil sa mabuting itinanim, mabuti rin ang aanihin.
DR. LOVE
- Latest