Kinursunada ng matrona
Dear Dr. Love,
Ayaw ko na po sanang ungkatin pa ang isyung ito sa buhay ko. Pero kusa pong bumabalik ang naging masamang impresyon sa akin ng mga tao dahil sa pag-aakalang nanggoyo ako ng isang babae para makinabang. Napilitan tuloy akong magdepensa sa sarili para naman maibangon ko ang nasira kong reputasyon.
Mayroon po akong naging kasama sa industriyang kinabibilangan ko na naging malapit kong kaibigan. Nakatatandang ate si Liezel para sa akin. Pero sa mga nangyari, lumilitaw na ang hangad niya ay kami ang magkatuluyan.
Kaya ang maliiit na pabor na ginagawa niya sa akin noong nagtatrabaho pa ako sa opisina niya ay napadalas hanggang sa pati sa aking pamilya ay nireregaluhan na niya, pinadadalhan ng iba’t ibang appliances at maging ang pagpapagamot sa naospital kong tatay ay sinagot din niya.
Hindi ko po maibabalik ang lahat, lalong hindi ko kaya ang kapalit na gusto niya. Kaya umalis ako sa opisina niya at nang maging malinaw na marahil sa kanya na wala siyang mahihita sa akin ay saka niya pinagbabawi ang lahat. Ang masaklap, ipinagkalat pa niyang kinukwartahan ko siya. Nanahimik po ako noon at nagpakalayo. Pero parang bangungot ang tungkol sa bahaging ito ng aking buhay na bumabalik.
Maraming salamat po at sana mapagpayuhan ninyo ako.
Lubos na gumagalang,
Ernesto
Dear Ernesto,
Huwag mong ituon ang iyong pansin sa mga komentong batid mo naman na walang katotohanan at hindi magdudulot ng mabuti para sa iyo. Ang isipin mo, higit kanino pa man, ikaw ang mas nakakaalam ng tunay na nangyari kaugnay kay Liezel at ikaw ang mas nakakakilala sa iyong sarili.
Kaya magpatuloy ka sa buhay at pairalin ang positibong pag-iisip. Makikita mo na lang na kusang maglalaho ang mga usapin na nag-uugnay sa iyo kay Liezel. Tandaan mo na lagi ang katotohanan ang nananaig sa huli. Sumaiyo nawa ang patnubay ng Lumikha.
DR. LOVE
- Latest