Nagseselos sa anak ni Mister
Dear Dr. Love,
Ako po ay kasal sa aking mister na si Teddy, may 17-anyos po siyang anak sa una niyang karelasyon.
Mula pa noong 10-taon pa lang si Melissa, malimit na siya sa bahay. Mayroon po siyang silid sa aming tahanan, na ako ang bumili noong ako ay dalaga pa.
Maliit lang ang aming bahay na style condo at mayroong dalawang bedrooms at ang isa nga ay ukupado ng anak ni Teddy.
Dalaga na po si Melissa ngayon, tapos na ng kolehiyo kung kaya’t nagpasyang magsarili na sa isang studio type apartment.
Para makaluwag sa espasyo, gusto ko sanang gawin ng guest room ang silid na dating ukupado ni Melissa para kung mayroong ibang kamag-anak na bumibisita mayroon silang matutulugan na may privacy sa halip na sa sala.
Nais ko sanang alisin na sa silid na ito ang mga naiwang gamit ni Melissa.
Nang imungkahi ko ito sa aking mister, tumanggi siyang alisin ang gamit ng kanyang anak dahil kung nami-miss niya ito, doon siya sa silid nito natutulog.
Naghihinanakit po ako sa pagtanggi ni Teddy, dahil pag-aari ko naman ang bahay na tinitirahan namin. Nakakaramdam din ako ng insecurity dahil mas pinahahalagahan niya ang kanyang anak kaysa sa akin. Wala po kaming anak.
Ayaw ko po sana mag-isip ng negatibo pero hindi ko maiwasan. Dapat ko po bang igiit ang panig ko sa aking asawa? Para sa katahimikan ng aking isip, gusto ko pong payuhan ninyo ako.
Maraming salamat po at sana hindi ninyo pagsawaan ang pagtulong sa tulad kong mayroong problemang pampamilya.
Gumagalang,
Criselda
Dear Criselda,
Kahit pa sabihing sa’yo ang bahay, hindi naman maaari na ikaw lang ang magpasya para sa tirahan ninyong mag-asawa. Sikapin mo sanang unawain ang iyong mister, sa kanyang pangungulila sa nag-iisang anak. Turuan mo ang iyong sarili na mahalin ang mga taong mahal ng mahal mo, mas magaan ito sa isip at sa puso.
DR. LOVE
- Latest