Ang lihim sa mga rosas at kandila
Dear Dr. Love,
Tatlong Todos Los Santos na ang nakaraan nang muling sumagi sa isip ko ang palaging pagkakakita ko ng magagandang punpon ng rosas at dalawang matatabang kandila sa puntod ng aking ama.
Palagi kasing Nobyembre a dos ako dumadalaw sa puntod ng aking tatay kung kaya’t kilalang-kilala ko na ang mga bulaklak na dinadala ng aking mga kapatid base sa alam nilang mga bulaklak na gusto ni tatay.
Orkidya mula kay Daisy, Dahlia mula kay Pina at pulang mga rosas mula kay nanay. Pero bukod sa mga ito ay palagi ko ring nadadatnan ang mga sariwang rosas na puting-puti at malalaki, at ang mga kandila na kilalang mamahalin.
Noong una, ang akala ko mula sa isang kamag-anak ang mga ito. Pero nang usisain ko ang tagapag-alaga ng puntod ni tatay, si Mang Damian. Sinabi niyang isang magandang babae na kung tatantiyahin niya ay mga 30 anyos ang nagdadala noon sa puntod ni itay.
Hindi lang anya sa Araw ng mga Patay dumadalaw ang babae kundi maging tuwing birthday ni tatay na nakalimbag sa lapida. Ang sabi ni Mang Damian, naka-kotse ang babae at mayroon siyang kasamang driver.
Naging palaisipan para sa akin ang mga bulaklak na ito at matatabang kandila na dinadala ng isang magandang babae. Dahil hindi ko naman kilalang chick boy ang aking ama.
Kaya naman noong nakaraang Undas ay nag-abang ako. Nobyembre 2 dumating ang babae. Lakas-loob akong lumapit at nagtanong kung kaanu-ano niya ang dinadalaw na puntod. Nalaman kong dati niyang boss si tatay, na naging taga-suporta niya sa maraming bagay kapalit ng kaligayahan. Sinabi rin ng babae na nagpakilalang si Tessie na napamahal na sa kanya ang tatay ko.
Ang problema ko ngayon Dr. Love, kailangan ko pa bang ipagtapat ang lihim na ito ni tatay sa aking ina? Payuhan mo po ako, Dr. Love.
Gumagalang,
Veneer
Dear Veneer,
Sakaling hingin ng pagkakataon, halimbawa’y magtanong ang iyong ina tungkol diyan…ipagtapat mo. Pero para sa akin kung hindi naman, hayaan mo na lang manatiling lihim ang lahat para sa mas ikapapanatag ng damdamin ng iyong ina, na sa palagay ko ay may edad na rin.
DR. LOVE
- Latest