Problema ang birthmark
Dear Dr. Love,
Kung tawagin nila ako ay Tisay. Kasi namana ko ang maputing kutis ng aking ina. Maganda akong hindi hamak sa aking tatlong mga kapatid na babae. Pero ang problema ko Dr. Love ay ang aking birthmark sa kanang binti na dati ay maliit lamang pero habang lumalaki ako, lumaki rin ito at humaba pa kung kaya’t ang kabiyak ng aking binti ay halos nasakop na nito.
Noong maliit pa lang ako, hindi ko gaanong pinoproblema ang kapintasang ito sa binti ko dahil sabi nga ng mama ko, God given ito at sinuwerte ang aming kabuhayan mula nang isilang ako.
Maganda naman ang korte ng legs ko pero ang mapulang balat sa binti ko ay higit na naging pansinin dahil maputi nga ako.
Noong una ay itinatago ko ito sa make-up at mayroon pang stockings akong ginagamit. Pero hindi naman po puwedeng mag-stockings kung naka-bathing suit para mag-swimming.
Marami na akong pinagpatingnang mga dermatologist para maremedyuhan ang mahabang balat na ito sa binti. Ngayong dalaga na ako, hindi ako makapagsuot ng bestida kundi puro pants at slacks, at lalong hindi makapag-bathing suit sa pangambang mapintasan ang binti ko.
Ang inaalala ko lang, baka ang mga binatang nagkakagusto sa akin ay mawalan ng gana dahil sa balat na ito. Nakakaapekto po ng malaki sa kumpiyensa ko ang kapintasang ito sa aking katawan. Payuhan mo po ako.
Gumagalang,
Jenny alyas Tisay
Dear Jenny,
Alalahanin mong walang taong perpekto sa mundong ito. Kahit na nga pinakamaganda nang babaeng maituturing, mayroon pa ring mga mumunting kapintasang masisilip sa kanila.
Kaya hindi mo dapat na ikahiya ang balat sa binti na natural sa iyo. Atraksiyon na maituturin ang panlabas na anyo, pero mas matimbang pa rin ang kagandahang panloob. Isa pa, mas mapapatunayan mong tunay ang intensiyon sa iyo ng isang lalaki kung tanggap ka niya kahit ano pa ang meron ka.
DR. LOVE
- Latest