Duda
Dear Dr. Love,
Magandang araw sa iyo, Dr. Love pati na sa mga readers ng iyong malaganap na column.
Medyo kontrobersyal ang problema ko kaya sana ay payagan mong itago ko ang aking sarili sa isang alyas. Tawagin mo na lang akong Isko.
Pinakasalan ko ang aking asawang si Cora halos tatlong taon na ang nakararaan. Madali ko siyang napasagot at nang yayain kong magpakasal ay hindi ako nagdalawang salita.
Wala pang isang buwan ang aming pagsasama ay naglihi na kaagad siya at nang siya’y magsilang ng batang babae, nagulat ako dahil hindi ko kamukha. Maganda ang bata pero morena siya. Pareho naman kaming mestiso at mestisa ng aking asawa. Dalawang taon na ngayon ang bata.
May naririnig akong tsismis na nang sagutin ako ni Cora ay iniwanan siya ng kanyang boyfriend.
Ayaw ko namang usisain ang bagay na ito dahil baka masaktan siya. Ano ang gagawin ko?
Naguguluhan na ako at ilang araw nang balisa tungkol sa agam-agam na ito. Pagpayuhan ninyo po ako.
Maraming salamat.
Gumagalang,
Isko
Dear Isko,
May mga lalaking dahil sa labis na pagmamahal sa kanilang kasintahan ay handang magsakripisyo at pakasalan ang babae kahit may anak sa iba.
Nakakarinig pa tayo ng mga kasong nabuntis ng ibang lalaki ang babae at handa siyang pakasalan ng ibang lalaki.
Sa kaso mo, duda ka sa anak ninyo kung ito nga ay sa iyo. Walang masamang tanungin mo siya tungkol sa kanyang boyfriend. Sa paraang madiplomasya, puwede mong mabatid sa kanyang ang katotohanan.
Pero kung malaman mo ang totoo na hindi mo nga anak ito, handa mo ba siyang tanggapin? Iyan ay sariling desisyon mo.
Pwede mo ring isailalim ang bata sa DNA test para mapatunayan kung ito ay anak mo.
Kung hindi mo siya anak, may dahilan ka para mag-file ng annulment.
Dr. Love
- Latest