Nakontento na lang umasa
Dear Dr. Love,
May mga anak sa unang asawa ang tatay ko, na kinupkop niya kasama ng kani-kanilang pamilya. Silang dalawa lang ng nanay ang kumakayod noon, pero ngayon ay mag-isa nang binabalikat ni nanay ang lahat ng aming pangangailangan.
Gusto ko po na umuwi na lang kami ni nanay sa kanilang probinsiya at hayaang magbanat ng buto ang mga kinakapatid ko. Nasanay na po kasi silang dumipende kay nanay na kakarampot lang naman ang kita bilang pangkaraniwang empleyado sa government office.
Ang sabi ni nanay, maswerte raw ako dahil nagawa nilang igapang ni tatay ang aking edukasyon at madaling makahanap ng establisadong mapapasukan bilang guro. ‘Di gaya ng mga kinakapatid ko na hindi raw nakapag-aral.
Tapos na po ako at pwede nang magtrabaho, pero ayaw ko dahil mistulang palabigasan kami ng aking mga kinakapatid. Kaya naman nilang humanap ng mapagkakakitaan kung tutuusin.
Pagpayuhan po ninyo ako kung paano ko makukumbinsi si nanay na bumukod na kami. Baon din po sa utang si nanay dahil sa pagkakasakit at ginastos sa pagpapalibing kay tatay. Pero ang sabi ni nanay, napamahal na raw sa kanya ang mga kinakapatid ko. Hindi ko po maiwasan na magdamdam dahil parang mas importante pa sila kaysa sa akin. Tama po ba ang kalooban kong ito, Dr. Love?
Maraming salamat po, Dr. Love at hihintayin ko ang inyong kasagutan.
Gumagalang,
Nelson
Dear Nelson,
Huwag mong hayaan na balutan ng sama ng loob ang puso mo. Minsan pa ay kausapin mo ang iyong nanay at sabihin mo sa kanya ang kalooban mo tungkol sa pagsandal ng iyong mga kinakapatid. Humanap ka rin ng magandang pagkakataon para makausap ang mga kinakapatid mo at subukang ipaunawa ang sitwasyon ninyong mag-ina. Mabuti ang tumulong pero hindi sa punto na natututo nang umasa ang pinagkakalooban mo nito. Nagiging mali kapag nagkaganon.
DR. LOVE
- Latest