Takot mabigo
Dear Dr. Love,
Una sa lahat ay hayaan mong batiin kita ng isang mapayapang araw, Dr. Love. Ikubli mo na lang ako sa pangalang Ruben, isang magsasaka rito sa Nueva Ecija.
Sa gulang kong 31 ay wala pa po akong asawa at sabi ng mga magulang ko na pawang matanda na, mag-asawa na raw ako para makita nila ang kanilang apo bago sila mawala sa daigdig.
Sa totoo lang, mayroon akong kasintahan noon. Kababata ko siya simula pa nung kami’y nasa elementarya. Ang problema ay tutol sa akin ang kanyang pamilya dahil mahirap lang kami.
Sa kabila nito ay sumumpa siyang hindi siya hihiwalay sa akin. Pero hindi nagtagal ay nabalitaan ko na lang na nilalakad niya ang kanyang visa papuntang Amerika. Mayroon pa lang American citizen na pakakasalan niya.
Hindi ko na siya nakita mula noon hanggang tuluyan siyang makaalis. Masakit masyado ang nangyari sa akin at nadamay ang lahat ng kababaihan sa galit ko. Ayaw ko nang umibig muli.
Hanggang sa makilala ko si Zoraida na ipinakilala sa akin ng aking pinsan. Niligawan ko siya pero may agam-agam sa puso ko dahil masyado siyang makabago. Natatakot ako na baka masaktan akong muli.
Dapat ko bang ituloy ang panliligaw?
Ruben
Dear Ruben,
May kasabihan na mas mabuti ang umibig at mabigo kaysa tuluyang hindi umibig. Walang sino man ang makasisiguro na ang isang relasyon ay mauuwi sa maganda o sa kabiguan pero talagang ganyan ang buhay. Parang sugal.
Huwag mong hayaan na dahil lamang sa isang masaklap na karanasan ay hihinto na nang tuluyan sa pag-ikot ang iyong daigdig.
Dr. Love
- Latest